Naghain ng kasong child abuse ang mga social worker ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa Las Piñas City Prosecutors Office laban sa magulang ng mga “batang hamog” na na-rescue sa Alabang nitong nakaraang buwan.

Sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng mga social worker na sina Cristina Gonzalado at Venus Padua na naging pabaya ang magulang ng mga batang palaboy sa kapakanan at kaligtasan ng mga ito.

Pawang residente ng Las Piñas City, kinasuhan ang mga magulang ng paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Naglunsad ng rescue operation ang Muntinlupa Task Force on Street Dwellers Intervention (MTFSDI) matapos maging viral sa Facebook ang isang video na makikitang nakatuntong sa bubungan ng isang jeepney ang batang hamog habang bangag sa solvent.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dinampot ng MTFSDI ang anim na menor, na may edad 11 hanggang 13, at pawang may hawak na solvent.

Inilipat ang mga ito sa kustodiya ng Bahay Pag-asa sa Tiosejo Compound, Tunasan, Muntinlupa City upang sumailalim sa rehabilitasyon. (Jonathan Hicap)