Pinasalamatan ng senatorial candidate na si Leyte Rep. Martin Romualdez ang paglagda at pagsasabatas ng kanyang panukala hinggil sa exemption ng mga person with disability (PWD) sa karagdagang 12 percent ng value added tax (VAT) sa goods at services. 

“Mula sa kaibuturan ng aking puso, nais kong pasalamatan si Pangulong Aquino sa ginawa niyang paglagda sa isa sa importanteng aspeto na maisabatas, at ito ay ang matulungan ang sektor ng may mga kapansanan,” ani Romualdez.

Nilagdaan ng Pangulo ang PWD bill subalit ilang ahensiya ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DoH), sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), ang nagsasagawa pa rin ng paghahanda at pag-aaral para sa epektibong pagpapatupad sa naturang batas.

  

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Ayon kay Romualdez, saklaw din ng nasabing VAT exemption ang medical at dental services, pagbili ng gamot sa lahat ng botika, public railway, skyway at bus fare, bukod pa sa mga sinehan, concert, circus, carnival at mga lugar para sa mga culture, leisure amusement at lahat ng serbisyo sa mga hotel at iba pang kauri nito. 

Sa ilalim ng RA 10754, ang mga kamag-anak ng PWD hanggang sa fourth civil degree at maging ang tagapag-alaga, ay maaaring mag-claim ng income tax deduction ng P25,000 kada taon. 

Ayon kay Tahanan ng Walang Hagdan Inc. President Manuel Agcaoili, aabot sa 10 milyon ang may kapansanan sa buong bansa. (Jun Fabon)