Magpapatupad ng dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) at Auto-LPG ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Petron, ngayong Sabado ng umaga.
Sa pahayag ng Petron, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Abril 2 ay magtataas ito ng P1.25 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas, o katumbas ng P13.75 na dagdag-presyo sa bawat 11-kilogram na tangke nito.
Bukod pa rito ang 70 sentimos na idinagdag sa Auto-LPG ng Petron, na ginagamit naman sa taxi.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya sa kaparehong taas-presyo sa LPG at Auto-LPG kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong taas-presyo ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
Marso 1 nang nagdagdag ang Petron ng 30 sentimos sa presyo ng Gasul at Fiesta Gas, at 20 sentimos naman sa Auto-LPG.
(Bella Gamotea)