Tig-isang tama ng bala sa ulo at katawan ang kumitil sa buhay ng isang babaeng negosyante matapos siyang pagbabarilin ng mga hinihinalang hired killer na sakay sa motorsiklo sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Supt. Robert B. Sales ang biktima na si Jean Mamato – Magdaraog , 42, fish dealer at may puwesto sa Commonwealth Market, at residente ng No. 624 Martan Street, Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Mabilis namang nakatakas ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo na walang plaka at pinaharurot ito sa hindi natukoy na direksiyon.

Lumitaw sa imbestigasyon ni PO2 Jaime Samson, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na dakong 1: 20 ng umaga nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga helper na sina Ronnel Abayon at Ricky Curollo sa tapat ng Commonwealth Market.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang alamin ng mga helper at ilang vendor ang pinanggalingan ng mga putok, tumambad sa kanila ang duguang bangkay ng biktima.

Iniimbestigahan ng QCPD at inaalam ang motibo sa pamamaslang at pinaghahanap na ang mga salarin para mabigyan ng hustisya si Mamato.

Napag-alaman sa ilang store owner sa palengke na ilang beses na umanong may pinaslang sa lugar at ang posibleng motibo ay hindi pagbabayad sa pautang. (Jun Fabon)