Isaiah Canaan, Stephen Curry

Warriors, matatag sa Oracle Center; Thompson humirit sa scoring record.

OAKLAND, California (AP) — Bawat laro, may kaakibat na marka ang Golden States Warriors.

Laban sa pinakamahinang koponan mula sa East, hataw si Klay Thompson sa naiskor na 40 puntos – ikalawang sunod na laro sa kanyang career – habang kumana si Draymond Green ng franchise-best 12th triple-double sa impresibong panalo ng Warriors kontra Philadelphia 76ers nitong Linggo (Lunes sa Manila).

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nag-ambag si Stephen Curry ng 20 puntos at walong assist, habang naitala ni Green ang 13 puntos, 11 rebound, at 11 assist para sa Golden State (66-7) na nananatiling matatag para lagpasan ang 72-win record sa isang season ng 1995-96 Chicago Bulls. May siyam na laro pang nalalabi ang Warriors para baguhin ang kasaysayan.

Kumana rin si Marreese Speights ng 17 puntos at pitong rebound para sa ika-53 sunod na panalo ng Warriors sa regular-season sa Oracle Arena. Ngayong season, naitumpok nila ang ika-35 sunod na panalo.

Nanguna sa Sixers (9-65) si Carl Landry na may 22 puntos.

CLIPPERS 105, NUGGETS 90

Sa Los Angeles, pormal na umusad sa playoff sa Western Conference ang Clippers matapos gapiin ang Denver Nuggets.

Hataw si DeAndre Jordan sa naiskor na 16 puntos at 16 rebound para gabayan ang Clippers bilang ikaapat na koponan sa West playoff. Nagsalansan si Chris Paul ng 14 puntos, anim na rebound at siyam na assist, habang tumipa si Jamal Crawford ng 14 puntos at may tig-13 puntos sina Jeff Green at Wesley Johnson.

Kumubra ng 19 puntos si Jusuf Nurkic para sa Denver, habang umeksena rin sina D.J. Augustin na may 18 puntos at Gary Harrisna na may 11 puntos.

PACERS 104, ROCKETS 101

Sa Indianapolis, nabahiran ang paghahabol ng Houston Rockets para sa No.8 spot sa West Conference nang pasabugin ng Pacers, sa pangunguna ni Paul George na humakot ng 25 puntos.

Ratsada rin si Monta Ellis sa natipang 23 puntos, habang kumana si Ian Mahinmi ng career-tying 19 puntos para sa Pacers, nagwagi sa ikatlong pagkakataon sa huling apat na laro.

KINGS 133, MAVERICKS 111

Sa Sacramento, ginapi ng Kings, sa pangunguna ni rookie Willie Cauley-Stein na may 21 puntos, ang Dallas Mavericks.

Kumubra si DeMarcus Cousins ng 20 puntos at 12 rebound.

Natikman ng Mavericks ang ika-10 kabiguan sa huling 12 laro para manatili sa ikasiyam na puwesto, naghahabol ng kalahating panalo sa Houston para sa huling playoff spot.

Nag-ambag si Darren Collison ng 17 puntos sa Kings at kumana sina Seth Curry at Ben McLemore ng tig-14 puntos.

Nanguna si Raymond Felton sa Mavs sa nakubrang 15 puntos, habang nagtumpok sina J.J. Barea at Dirk Nowitzki ng tig-14 puntos.

WIZARDS 101, LAKERS 88

Sa Los Angeles, inagaw ng Wizards ang selebrasyon para sa tribute ni Kobe Bryant nang pabagsakin ang Lakers.

Ratsada si John Wall sa nakanang 22 puntos at 13 assist, habang umiskor si Marcin Gortat ng 16 puntos at 10 rebound.

Nanguna si Kobe Bryant sa naiskor na 17 puntos para sa Lakers, nabigo sa ikapitong pagkakataon sa huling walong laban para bumagsak sa 15-58.