Ben & Henry copy

WINASAK ng Batman v Superman: Dawn of Justice ang mga dating box office record nang kumita ito ng $170.1 million nitong Easter weekend sa kabila ng maanghang na panlalait ng mga kritiko sa pelikula. Ito na ngayon ang may pinakamalaking opening weekend para sa isang pelikula ng DC Comics, ang pinakamalaking kinita ng Marso, at ang sixth biggest domestic opening weekend sa kasaysayan ng Hollywood.

Bawing-bawi ang Warner Bros., na dumanas ng malaking pagkalugi sa nilangaw at pawang magagastos pa naman nitong pelikula, kabilang ang Jupiter Ascending at Pan, at umaasang maging maganda ang simulang hatid ng salpukan ng Dark Knight at Man of Steel para sa serye ng inter-connected comic book franchises na ipapalabas ng studio.

Garantisadong hindi tinipid ang pelikula, na pinagbibidahan din ni Ben Affleck bilang Batman, at tinatampukan ng balik-tambalan ng Man of Steel director na si Zack Snyder at ng gumaganap na Superman na si Henry Cavill, nagwaldas ng $250 million sa produksiyon, bukod pa sa milyun-milyong dolyar para sa promotional razzle dazzle.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bukod sa mga record, winasak din ng Batman v Superman: Dawn of Justice ang pintas ng mga kritiko. Nakapanlulumo ang mga review sa pelikula — ayon kay A. O. Scott ng New York Times, ang pelikula ay “…about as diverting as having a porcelain sink broken over your head” — pero dedma ang moviegoers. “It’s the fans that speak the loudest,” sabi ni Jeff Bock, box office analyst para sa Exhibitor Relations. “It proves how strong these characters are.”

Pumangalawa sa Batman v Superman: Dawn of Justice nitong weekend ang nanguna noong nakaraang linggo na Zootopia, sa kinitang $23.1 million, kasunod ang My Big Fat Greek Wedding 2, na may $18.1 million.

Ang limang nanguna sa North American box office noong nakaraang linggo ay kinumpleto ng The Divergent Series:

Allegiant, Miracles from Heaven, at I Saw the Light. (Reuters)