Maglulunsad ang Commission on Elections (Comelec) ng massive education campaign upang mapalawak ang kaalaman ng milyung-milyong botante sa proseso ng pagboto, lalo na sa pag-iisyu ng voter’s receipts.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maglalabas din ang ahensiya ng mga anunsiyo sa telebisyon at radyo hinggil dito.

Magpapaskil din sila ng mga poster na nagpapakita ng mga instruction sa bawat polling precinct.

Ito, aniya, ang pinakamabisang paraan upang maturuan ang mga botante sa paraan ng pagboto.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Tiniyak din ni Jimenez na ginagawa ng Comelec ang lahat upang makaisip ng mga epektibo at malikhaing paraan para matulungan ang mga botante.

Katuwang rin, aniya, ng Comelec ang Smartmatic sa pagtatrabaho upang maiwasan ang mga posibleng maging problema sa halalan.

Sinabi ni Jimenez na ang mga Board of Election Inspector (BEI) na hindi pa nasanay ay bibigyan ng materials hinggil sa voters’ receipts, habang sasailalim naman sa refresher course ang 65 porsiyento ng mga BEI.

Aniya, P435 milyon ang inilaan nila para sa transportation allowance para sa 185,000 BEI, gayundin sa bayad sa mga bagong lugar na pagdarausan ng pagsasanay sa mga BEI.

Nasa P14 milyon naman ang ilalaan para sa karagdagang sahod at overtime pay para sa mga magte-testing sa mga VCM.

(Mary Ann Santiago)