HINDI naging malinaw sa karamihan sa mga tumutok sa It’s Showtime ang dahilan ng ginawang pamamaalam ni Jhong Hilario sa naturang noontime show ng ABS CBN. 

Bigla na lang kasing ginulat ni Jhong ang lahat nang magsalita siyang “last day ko na ngayon”.

Walang binanggit na dahilan si Jhong, pero siyempre isa lang naman ang suspetsa ng mga tagahanga ng actor/host, tiyak na may kinalaman sa pagpasok niya sa political career.

Kandidato para konsehal ng Makati si Jhong at pormal nang nag-umpisa ang kampanyahan para sa mga tumatakbo sa local na posisyon. 

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Gusto ko lang magpasalamat sa lahat sa inyo. Maraming salamat, mami-miss ko kayo,” banggit pa ni Jhong. 

Apat na taon ding naging co-host ng It’s Showtime si Jhong. Balita ng source namin, mabigat daw ang loob ni Jhong na umalis sa programa pero mas nanaig pa rin ang tawag sa kanya sa pulitika.

Sa mga hindi nakakaalam, councilor ng Makati ang ama ni Jhong, si Virgilio Hilario na nakatatlong termino na. Kaya graduate na ito, at nais ipagpatuloy ni Jhong ang paglilingkod ng ama sa kanilang mga kababayan.

Samantala, sabi sa amin ng staff ng It’s Showtime na nakausap namin, may bagong co-host na nakatakdang pumalit kay Jhong pero hindi muna nila ibubunyag ang pangalan. Actor at TV host din daw ang hahalili kay Jhong Hilario.