Sergey Karasev, J.R. Smith, LeBron James

LeBron at Cavs, nasilo ng Brooklyn Nets.

NEW YORK (AP) — Sa unang tatlong quarter, walang nakapigil kay LeBron James. Sa crucial period, ang palabas ay naagaw ng Brooklyn Nets.

Hataw ang Nets sa matikas na 14-0 run sa krusyal na sandali. tampok ang walo sa kabuuang 22 puntos ni Brook Lopez para bulagain ang Cleveland Cavaliers, 104-95, nitong Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ratsada si James sa naiksor na 30 puntos mula sa 13-of-14 shooting sa loob ng tatlong period, ngunit nabokya sa matinding depensa ng Nets sa final period para maitarak ang pinakamalaking panalo ng naghahabol sa playoff na Nets.

“We had a lot more fight than we’ve shown in the last couple of games,” pahayag ni Nets interim coach Tony Brown.

“More than anything, obviously, Brook led us down the stretch.”

Nag-ambag si Shane Larkin ng 16 puntos at pitong assist, habang umiskor si Bojan Bogdanovic ng 12 puntos para sa Nets.

Tinapos ng Cavaliers ang laro sa mababang 10 of 38 sa 3-point, habang malamya rin ang opensa nina Kyrie Irving na may 6 for 22 sa field, gayundin si Kevin Love na 5 for 14.

Sa sitwasyon, tila kaya ni James na dalhin ang koponan sa hawak na 15 puntos sa third quarter, subalit sa final period wala nang naiganti ang Cavs sa opensa ng Nets.

PACERS 92, PELICANS 84

Sa Indianapolis, ginapi ng Indiana Pacers, sa pangunguna ni Myles Turner na kumana ng 24 na puntos at career-high 16 rebound sa kanyang ika-20 kaarawan, ang New Orleans Pelicans.

Naitala ng Pacers ang ikalawang sunod na panalo, ngunit nasa balag nang alanganin ang kanilang kampanya matapos ma-injured si Paul George sa kanang paa sa third quarter. Hindi na n agawang makabalik sa laro ang three-time All-Star.

Nanguna sa New Orleans si Alexis Ajinca na may 22 puntos, habang kumubra si Tim Frazier ng career-high 18 puntos.

THUNDER 113, JAZZ 91

Sa Oklahoma City, magaan na diniskaril ng Thunder ang Utah Jazz para patatagin ang kampanya para sa division title.

Ratsada si Kevin Durant sa natipang 20 puntos, siyam na assist at walong rebound, habang tumipa si Russel Westbrook ng 15 puntos, siyam na assist at pitong rebound.

“It helps a lot,” pahayag ni Westbrook. “There’s a lot of pressure on him, with two or three guys on him. He’s finding open guys and guys are making shots.”

Kumubra rin sina Dion Waiters at Enes Kanter ng 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

KNICKS 106, BULLS 94

Sa New York, wala nang pag-asa sa playoff, ngunit may nalalabi pang respeto sa kanilang sarili ang Knicks.

Kinumpleto ng Knicks ang dominasyon sa Chicago Bulls ngayong season matapos walisin ang kanilang home-and-home series.

Nanguna si Carmelo Anthony sa Knicks sa 26 na puntos, habang nagsalansan si Kristaps Porzingis ng 19 puntos. Kumubra rin sina Derrick Williams ng 13 puntos, Jose Calderon na may 12, at tumipa si Arron Afflalo ng 11. Ginapi rin ng Knicks ang Bulls, 115-107, nitong Miyerkules sa Chicago.

“We want to win every game possible to finish out the season,” sambit ni Williams.

Nabalewala ang 30 puntos ni Derrick Rose sa Chicago, gayundin ang naitalang 19 puntos ni Jimmy Butler at 10 puntos ni Taj Gibson.

“I don’t want to criticize anybody, like trash teams — everybody is in the NBA for a reason,” pahayag ni Gibson.

“But we’re playing against teams that are not playing for anything and we’re just laying down.”

Naghahabol ang Bulls sa Detroit para sa ikawalong playoff spot sa Eastern Conference.

“These are two extremely tough losses,” sambit ni Bulls coach Fred Hoiberg. “I wish I could tell you it was one thing. If we want to have any chance of competing and playing after the regular season we have to find ways to get stops.”

Samantala, hindi makalalaro sina Kawhi Leonard kapwa starter na si Danny Green at dalawang reserve, sa pagtatangka ng San Antonio Spurs na pantayan ang longest home winning streak ngayong season sa pakikipagharap sa Memphis Grizzlies sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Nagtamo ng pinsala ang kanang balakang ni Leonard sa panalo ng Spurs sa Miami Heat, 112-88, nitong Miyerkules.

Target ng Spurs na mapantayan ang league record na 37 sunod na home-game win ng Chicago Bulls noong 1995-96 season.

Bukod kay Leonard, hindi rin makalalaro sina Green, Boris Diaw at Patty Mills na binigyan ng day off ni Spurs coach Greg Popovich.