KAPAG natapos na ang Holy Week break, perfect daw magsenti at patuloy na magmuni-muni. Kaya ngayong Linggo, babalikan ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang ilan sa mga dating paborito ng Pinoy!
Muling panoorin ang ilan sa mga programa at pelikulang kinabibilangan ng Okay Ka Fairy Ko at Batang X hanggang sa Sharing in the City kasama si Fr. Sonny Ramirez. Balikan din ang mga kanta nina Rodel Naval na nagpauso ng Lumayo Ka Man Sa Akin, Prettier Than Pink at ang kanilang awiting Cool Ka Lang, at maging ang classical music na pinatutugtog noon ng mga trak ng basura.
Nasaan na rin nga kaya sina Bikoy, ang dating mascot ng Eat Bulaga? At ang batang lalaki sa music video ng Huling El Bimbo, hinahanap ang batang babae na dating naka-partner niya. Makasayaw pa kaya nila muli ang isa’t isa?
Sisiyasatin din sa KMJS ang isa sa mga pinag-usapang urban legend sa bansa – ang pagkamatay ng batang aktres na si Julie Vega. Nagpaunlak ang ina ni Julie Vega ng panayam para klaruhin ang mga usap-usapang hindi mamatay-matay tulad ng diumano’y sinapian ng masamang espiritu ang kanyang anak na naging sanhi ng kamatayan nito.
Muling buhayin ang mga kuwento at alaala ng nakaraan sa Pinoy Klasiks Kapuso Mo, Jessica Soho Throwback Special, ngayong Linggo ng Pagkabuhay, 8 PM, sa GMA-7.