BINALONAN, Pangasinan – Dalawang tao ang nasawi habang 20 iba pa, karamihan ay estudyante, ang nasugatan nang salpukin ng isang tanker ang dalawa pang sasakyan sa national highway ng Barangay Bued sa Binalonan, Pangasinan.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, batay sa report ng Binalonan Police, nangyari ang aksidente dakong 8:25 ng umaga nitong Martes.
Agad na nasawi si Michael Alegre, 28, binata, ng Naga City, ang driver ng Isuzu tanker (RHD 675) na aksidenteng sumalpok sa kasalubong na pampasaherong jeep (AVV 173), na minamaneho ni Abdul Aziz Cercado, 41, may asawa, ng Pozorrubio, Pangasinan; at sa Toyota Altis (ZBS 712) na minamaniobra ni Rodolfo Rosales y Vinluan, 58 anyos.
Bukod sa driver ng tanker, nasawi rin ang pasahero ng jeep na si Maybelyn P. Espinoza, 21, dalaga, ng Pozorrubio, Pangasinan.
Sugatan din ang iba pang pasahero na sina Danilo Japson, Ada Japson y Abad, 27; Mary Rose Valdez, 17; Carliegh Mae Talodtod, 18; Allan Baldonado; Feliciano Sabado; Ar-jay Capoquion, 20; Saturnina Silaroy, 53; Katherine Mallari; Leonora Dispo, 23; Pamela Jane Gonzales, 21; Jielyn Ballesteros, 17; Mhar Tañedo, 20, pawang taga-Pozorrubio, Pangasinan.
Nasugatan din sa aksidente sina Eunice Cagogas, 18; Robilyn Delos Santos, 24; Nomilyn Peralta, 17; Micu Enriquez, 20; Joemer Goldora, 26; Angelo Magno, 17, pawang residente ng Pozorrubio, Pangasinan; at Kenneth Orpilla, 18, ng Laoac, Pangasinan. (LIEZLE BASA IÑIGO)