KUNG si Senator Miriam Defensor-Santiago ay hindi nakadalo sa ikalawang bahagi ng 2016 presidential debate sa lupain ni Lapu-Lapu, si Mayor Rodrigo Duterte ay hindi umatras na taliwas sa naunang balita na hindi rin siya dadalo dahil wala namang nangyayari rito bukod pa sa ang debate ay gagawin sa campus ng UP Cebu.

Parang allergic umano ang machong alkalde sa UP dahil sa nangyari sa kanya kamakailan sa UP Los Baños na roon ay “binastos” umano siya ng isang UP student. Mas gusto niyang matulog na lang sa Davao City kesa makipag-debate.

Sinabi ni Peter Lavina, spokesman at puno ng Duterte media group, walang katotohanan ang gayong mga balita dahil ito raw ay isang “squid tactic” ng mga karibal niya upang palabasin na siya ay duwag, sinungaling at pala-iwas. Habang sinusulat ko ito, hindi pa batid kung sino ang ituturing na magaling sa lahat. Ang ikalawang debate, na nasa pangangasiwa ng Comelec, ay itinataguyod ng The Star, TV5 at Business World. Ang ilan sa kanilang mga tatalakayin ay tungkol sa kalusugan, edukasyon, kahandaan sa kalamidad, climate change, at kurapsiyon.

Nakasilip ng isyu o butas ang United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jojo Binay para mabanatan si ex-DILG Sec. Mar Roxas na mukhang umaabante ngayon sa survey, batay sa Pulse Asia at Social Weather Stations.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tungkol umano ito sa mahigit P7 bilyong pondo na wala umanong liquidation at financial report noong panahong si Roxas pa ang kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Inihayag ng kampo ni VP Binay na batay sa annual audit report ng Commission on Audit (CoA), ang P7 bilyon ay inilipat sa iba’t ibang proyekto, gaya ng Potable Water program (SalinTubig), PAyapa at MAsaganang PamayaNan (Pamana), Bottom Up Budgeting (BUB), Rehabilitation Assistance on Yolanda (RAY), at Public Transport Assistance Program (PTAP).

Dapat sagutin ito ng ginoo ni Korina dahil madalas niyang italumpati sa iba’t ibang okasyon na sa loob ng matagal na panahong siya ay nasa gobyerno bilang senador at cabinet secretary, hindi siya nasangkot kailanman sa anomalya.

Samakatuwid, hindi lang siya Mr. Palengke, kundi Mr. Clean pa rin. Eh, papaano ngayon itong ibinunyag ng Binay camp tungkol sa CoA report na mahigit P7 bilyon ang walang liquidation at financial report?

***

Sa kabila ng paghihirap, pagkagutom at pagdurusa na dinaranas ng Pilipinas, isa pa rin ito sa pinakamasayang bansa sa buong mundo. Gayunman, tanggapin natin na nasa ika-82 lang tayo sa tinatawag na “happiest country” mula sa 156 na bansa. Ang Pilipino ay palangiti, matiisin, matiyaga at mapagbigay kahit kanino at sa kahit anong panahon. Well, nananatili ang Denmark bilang pinakamasayang bansa sa lahat.

Kilala ang Denmark sa mga kuwento o kathang-isip ng naghihinagpis na si Prince Hamlet at mga malulupit na piratang Vikings. Ngayon, higit itong sikat bilang “pinakamasayang bansa” sa buong daigdig. Kelan kaya ako makararating sa Denmark? (BERT DE GUZMAN)