NOONG araw, may nilikhang napakagandang awit ang dakilang si Nicanor Abelardo. Ito ay may pamagat na, “Nasaan ka, Irog?”. Ito ay nakalagay sa plaka dahil noong araw ay hindi pa uso ang mga makabagong teknolohiya para makapag-record ng awitin. NASAAN KA, IROG?

Ngayon, hindi ang awitin ni Abelardo ang hinahanap ng mga driver. Ang hinahanap nila ay iyong mismong plaka.

***

“Nasaan ka, plaka?” Ito rin ang katanungan ng mga may-ari ng sasakyan na matapos magbayad ay wala pa rin, kahit anino, hanggang ngayon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nasaan na nga ba ang mga bagong plaka na siningil ng Land Transportation Office (LTO) sa mga may-ari ng sasakyan?

May mga bagong plaka ba talaga o wala? Kung meron, bakit hindi ito nakararating sa mga nagsipagbayad? Kung meron, bakit kung anu-ano ang idinadahilan ng LTO? Bakit hindi pa i-deliver at ipamigay sa mga may-ari ng sasakyan na panahon pa ni Mahoma nang magsipagbayad? Panahon na ngayon ng shabu ay wala pa rin?

Ang siningil ng LTO at ibinayad ng mga may sasakyan ay P450. Halos magdadalawang taon na nilang hinihintay ito ngunit ang natatanggap nila ay puro pangako lang.

Marami ang naniniwala ngayon na baka hindi na nila masulyapan man lamang ang plakang binayaran nila. Oh, baka ang maglabas na nito ay ang papalit na administrasyon. Kung gayon ay bakit hindi ibalik ang ibinayad ng mga nagbayad na?

Hindi ba alam ng LTO na ang iba sa mga ito ay sumusunod lamang sa kanilang patakaran? Hindi ba alam ng LTO na ang iba ay nangutang lang para may ibayad lang? Lumilitaw ngayon na nagbayad sila ngunit wala namang binili.

Lumilitaw din na ang dahilan ng hindi paglabas ng mga plaka ay dahil sa hindi pagkakasundo ng Commission on Audit (CoA) at LTO. Hindi umano sinunod ng LTO ang CoA sa babala nito na huwag makipagkasundo sa mga kumpanyang kakutsaba este, kasundo ng LTO. At ang hindi umano pagbabayad ng naturang kumpanya ng Customs duties.

Nagdurusa na naman ang mga mamamayan dahil sa “Tuwid na Daan.” (ROD SALNDANAN)