Warriors, nakabawi sa Mavericks; Mr. Triple Double si Westbrook.

DALLAS (AP) — Isa ang Mavericks sa anim na nagbigay ng kabiguan sa kasalukuyan sa Golden State Warriors.

Kayat hindi masisisi ang defending champion kung ibuhos ang lahat sa kanilang pagbabalik sa teritoryo ng Mavs.

Ratsada ang Warriors, sa pangunguna ng pamosong ‘Splash Brother’, sa lahat ng aspeto ng laro kung saan nagtumpok ng kabuuang 70 puntos sina Stephen Curry at Klay Thompson para sa dominanteng 130-112 panalo ng Golden State kontra Dallas, Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hataw ang Warriors sa impresibong 22 of 38 sa three-point area para sa ikapitong sunod na panalo. Ngayon, nakatakda nilang putulin ang pinakamahabang losing streak sa NBA (32) sa teritoryo ng matikas ding San Antonio Spurs, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila). Hindi pa nananalo ang Warriors sa San Antonio mula noong Pebrero. 14, 1997.

Hawak ng Spurs ang record 34 sunod na panalo sa AT&T Center ngayong season.

Kumana si Dirk Nowitzki ng 24 puntos para sa Mavericks (34-35).

Hindi nakalaro si Curry sa unang biyahe ng Golden State sa Dallas noong Disyembre Dec. 30, na roon natikman ng Warriors ang ikalawang kabiguan ngayong season.

BLAZERS 117, PELICANS 112

Sa New Orleans, nabitiwan ng Portland Trail Blazers ang 20 puntos na bentahe, ngunit nakaagapay sa krusyal na sandali para magwagi kontra sa Pelicans.

Hataw si Damian Lillard sa naiskor na 33 puntos, kabilang ang krusyal basket sa final period para maabatan ang paghahabol ng Pelicans, na naglaro na wala ang leading scorer na si Anthony Davis.

Nagawang makalapit ng Pelicans sa limang puntos bago naisalpak ni C.J. McCollum, kumubra ng 30 puntos, ang three-pointer para makaluwag ang Blazers tungo sa panalo.

Kumana sina Ryan Anderson at Jrue Holiday ng tig-30 puntos para sa New Orleans.

Nag-ambag naman si Gerald Henderson ng 19 puntos sa Portland, naghahabol sa playoff spot sa Western Conference.

ROCKETS 116, WOLVES 111

Sa Houston, ginapi ng Rockets, sa pangunguna ni James Harden na tumipa ng 29 puntos at 14 assist, ang Minnesota Timberwolves para makausad nang bahagya sa kampanya para sa No. 8 spot sa Western Conference playoff.

Nanguna sa Wolves si rookie forward Karl-Anthony Towns na may 32 puntos at 11 rebound, habang kumubra si Andrew Wiggins ng 21 puntos.

Kumana naman sina Patrick Beverley na may 18 puntos, Donatas Motiejunas na umiskor ng 17 puntos, at si Dwight Howard na may 10 puntos at 11 rebound.

CAVS 109, MAGIC 103

Sa Orlando, Florida, ratsada si Kyrie Irving sa naiskor na 26 puntos, habang kumana si LeBron James ng 18 puntos, kabilang ang krusyal na layup at dalawang free throw para sandigan ang Cleveland Cavaliers kontra Magic.

Nasayang ang career-high 45 puntos ni Victor Oladipo sa Orlando.

THUNDER 111, SIXERS 97

Sa Philadelphia, naitala ni Russell Westbrook ang ika-13 career triple-double -- 20 puntos, 15 rebound at 10 assist – ngayong season, habang umiskor si Kevin Durant ng 26 puntos at 13 board sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra 76ers.

Napantayan ni Westbrook ang NBA record na pinagsasaluhan nina Grant Hill (1996-97) at Jason Kidd (2007-08).

Nag-ambag si Enes Kanter ng 16 puntos para sa Thunder, nagkasiguro ng playoff spot sa kanilang ika-14 na sunod na panalo sa Philadelphia. Ito ang pinakamahabang dominasyon ng isang koponan laban sa karibal sa kasaysayan ng NBA.