KUNG ang mga pahayag at pangako ng mga pulitiko o kandidato sa mahihirap na tao tuwing panahon ng kampanya ay natutupad lamang, siguro ay wala nang naghihirap at nagugutom na mga Pilipino ngayon. Kung ang mga kandidato ay nagiging matapat o sinsero lamang sa kanilang mga plataporma-de-gobyerno, marahil ay wala nang mga estudyante na sa ilalim ng puno ng mangga o bayabas nagkaklase dahil sapat na ang mga silid-aralan, wala nang sira-sirang tulay, wala nang baku-bakong daan (Tuwid na Daan?) na may mga pondo namang inilaan ngunit hindi ginagastos para sana sa mga pinaglaanang proyekto (o baka ibinubulsa lang ng mga suwitik?).
“Ipinangangako ko sa inyong lahat na kikilos ako upang mahango kayo sa kahirapan at kagutuman. Itataguyod ko ang kapakanan at kabutihan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, at lahat ng nasa laylayan ng lipunan.” Ganyan humigit-kumulang ang malimit at paulit-ulit na pangako ng mga pulitiko upang masungkit ang boto ng mga tao tuwing halalan. Pinupuntahan nila ang kasuluk-sulukang bahagi ng bawat barangay at bayan, gaya ng pagpapagawa ng mga paaralan, tulay, at pagpapaganda ng mga daan at lansangan.
Pagkatapos ng eleksiyon, nasaan na ang pangako ng “mababait at mapagkumbabang” kandidato na ngayon ay nakaupo sa puwesto? Ang mga pangako ba ay naisakatuparan o ito ay napako at nilipad ng hangin sa kung saan? Nagkaroon ba ng kaganapan (fullfilment) ang mga ipinangako sa nakatungangang mga botante sa ibaba ng entablado o sa loob ng gymnasium habang kumpas nang kumpas ang mga nang-uutong kandidato para makuha ang kanilang mga boto?
Umangat ba ang estado ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at ordinaryong tao? Puwes, itatanong ko nga kina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera kung bumuti at umasenso ang kanilang buhay pagkatapos ng halalan. Itatanong ko sa kanila kung ang kanilang mga anak ay hindi na nagbibilang ng mga poste matapos makapagtapos sa kolehiyo.
Nagdesisyon na ang Supreme Court (SC) na nagpapahintulot kay Sen. Grace Poe na makatakbo sa pagkapangulo sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016. Sana naman ay igalang ito ng mga mamamayan, partikular ang mga nagpetisyon na siya ay madiskuwalipika. May kanya-kanyang opinyon at paniniwala ang mga tao, gaya rin ng mga mahistrado ng Korte Suprema, na duminig sa kaso ni Sen. Grace. Sila ay pawang mga abugado na may sari-sariling interpretasyon sa batas at sa isinasaad ng Konstitusyon tungkol sa mga isyu ng citizenship at residency ng Senadora.
Sa huling balita, nagpasya si Sen. Miriam Defensor Santiago na hindi na siya dadalo sa ikalawang presidential debate na gaganapin sa Cebu. Sa halip, siya ay lalahok sa isang international clinical trial para sa anti-cancer pill na susugpo sa cancer. Ayon sa kanya, magkakaroon siya ng libreng access sa pagpapagamot na kung babayaran niya ay nagkakahalaga ng P500,000 tuwing ika-3 Linggo. Si MDS ay may Stage 4 lung cancer. (Bert de Guzman)