NGAYON ay Linggo ng Palaspas ng Pasyon ng Panginoon. Magsisimula ang liturhiya ngayon sa pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem na roon siya sasalubungin nang buong sigla at kasiyahan ng mamamayan habang sakay siya sa isang donkey kasunod ang kanyang mga apostol. “Osana sa Anak ni David!” sigaw nila. Sinalubong siya bilang isang hari na magkakaloob sa kanila ng mga mensahe ng kaligayahan at kapayapaan. Kinikilala siya bilang ang Messiah na isinugo sa ngalan ng Diyos.

Gayunman, sa pagbasa sa misa, ang nangagtipong tao na sumalubong sa kanya ang siya ring manlilibak sa kanya at kalaunan ay maghahatol sa kanya ng kamatayan. Walang patas na paglilitis para kay Hesus—nagsabwatan ang mga tao at itinuro siya para sa mga maling paratang para maipako siya sa krus. Inakusahan siya ng mga tao ng mga krimeng hindi niya ginawa. Sa kabila nito, humarap si Hesus sa paglilitis at tinanggap ang mga panlilibak. Iilang salita lamang ang kanyang sinambit. Wala siyang marahas na reaksiyon, at hindi rin pumasok sa kanyang isip ang gumanti. Tinanggap niya ang lahat nang may buong pananampalataya at tiwala sa Diyos. Batid niyang nasa panig siya ng katotohanan at pag-ibig.

Ipinakita sa atin ni Hesus na ang daan sa tunay na kapayapaan ay ang buong pusong pagtalima sa kagustuhan ng Diyos.

Tanging sa pagpapaubaya ng ating buong sarili, buong buhay, natin matatamo ang tunay na kapayapaan at kalayaan. Sa panahon ngayon, iniisip ng mga tao na ang pagtalima sa kagustuhan ng Diyos ay naglilimita o nagpapalaho sa ating kalayaang gawin ang lahat ng nais natin. Gayunman, taliwas ang ipinakita ni Hesus—sa pamamagitan lamang ng pagsasakripisyo natin ng sariling buhay matatamo ang buhay na walang hanggan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa halip na sikaping kontrolin ang sarili nating buhay at maging ang buhay ng ibang tao, buong pagpapakumbaba nating tanggapin ang katotohanan na tanging ang Diyos lamang ang nakababatid ng pinakamabuti para sa atin. Sa pagpapaubaya natin ng ating mga buhay sa kamay ng Diyos, malalaman nating magiging maayos ang lahat.

Sa paggunita natin sa Semana Santa, isang abalang linggo ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Paschal Mystery, ng mga pagdurusa, kamatayan, at pagkabuhay na muli ni Kristo, alalahanin natin ang mga taong nanatili sa tabi ni Hesus habang tinitiis niya ang mga dusa at sakit—ang kababaihang lumuha, ang senturyon na nanindigang si Hesus ang Messiah, si John ang pinakamamahal na disipulo, at si Maria, ang kanyang ina—ipinabahala nilang lahat sa Diyos ang kani-kanilang buhay. Manalangin tayong sa panahong ito, sa pamamagitan ng awa ng Diyos ay higit tayong magtitiwala at tatalima sa kanyang banal na plano para sa atin.