SAN ANTONIO (AP) – Wala ring plano ang Spurs na mag-day off.
Ratsada si Kawhi Leonard sa 20 puntos para sandigan ang San Antonio Spurs sa 108-87, panalo kontra Los Angeles Clippers nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para mapanatiling malinis ang kampanya sa AT&T Center.
Nakopo ng San Antonio ang ika-33 sunod na home game win ngayong season para pantayan ang marka ng Orlando Magic noong 1995-1996 season.
Hataw din si LaMarcus Aldridge sa nakubrang 17 puntos, habang tumipa sina reserve guard Patty Mills at Manu Ginobili ng 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Spurs (57-10).
Sumabak ang Los Angeles (42-24) na wala ang nasuspinde at injured pa ring si Blake Griffin.
Nanguna si Chris Paul sa Clippers na may 22 puntos mula sa 9-for-16 shooting at walong assist.
RAPTORS 107, BUCKS 89
Sa Milwaukee, magaan na tinalo ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Kyle Lowry na kumana ng 25 puntos, ang Bucks.
Nabalewala ang isa na namang impresibong laro ni Giannis Antetokounmpo, tinaguriang ‘Greek Freak’, sa 18 puntos, 12 rebound at siyam na assist sa Milwaukee.
Lumaro ang Raptors na wala ang second leading scorer na si Demar DeRozan, na binigyan ng day off ng Toronto coaching staff.
NETS 131, SIXERS 114
Sa New York, naitala ni Bojan Bogdanovic ang career-high 44 na puntos sa panalo ng Nets kontra Philadelphia 76ers.
Nag-ambag sina Sean Kilpatrick ng 19 na puntos, habang kumubra si Brook Lopez ng 18 puntos at 10 rebound at nagsalansan si Thaddeus Young ng 14 na puntos at 16 rebound.
Nanguna sa Sixers si Isaiah Canaan na may 20 puntos, habang humugot sila Nerlens Noel, Ish Smith at Nik Stauskas ng tig-18 puntos.
PACERS 103, CELTICS 98
Sa Indianapolis, pinutol ng Indiana Pacers, sa pangunguna ni Paul George na may 25 puntos, ang 4-game winning streak ng Boston Celtics.
Ratsada rin si Monta Ellis sa natipang 16 puntos at anim na assist, habang kumana si Jordan Hill ng 15 puntos.
Humugot si Isaiah Thomas ng 21 puntos, walong assist at anim na rebound sa Boston.