Ronda Visayas leg title, sigurado na kay Oranza.
ROXAS CITY – Tulad nang inaasahan, humaribas ang Philippine Navy-Standard insurance, sa pangunguna ng ‘eventual champion’ na si Ronald Oranza sa Stage 3 ng LBC Ronda Pilipinas Visayas leg kahapon sa Robinson’s Mall ground dito.
Umigpaw mula sa peloton matapos mapag-iwanan sa kabuuang 115 kilometro ang 22-anyos na si Oranza upang mag-isang tumawid sa finish line sa tyempong tatlong oras, 15 minuto at 53.53 segundo.
Hindi pa man natatapos ang karera (may nalalabi pang dalawang stage), sigurado na ang kampeonato sa pambato ng Pangasinan sa karera na pinagbabasehan sa puntos na nakukuha sa bawat stage.
Tangan ni Oranza, nagwagi rin sa Stage 1 sa Bago City, ang kabuuang 43 puntos mula sa kabuuang oras na 5:32:44.22. Sa kabuuan ng karera, napagwagihan niya ang anim na stage race.
“Siniguro lang namin na maiuuwi ang lahat ng awards,” pahayag ni Oranza.
Bumuntot sa kanya ang kasanggang sina Lloyd Lucien Reynante (3:16:39.36), Joel Calderon (3:16:57.21), El Joshua Carino (3:17:00.45) at si Rudy Roque (3:17:00.76) sa karera na may kabuuang 121.7 km.
Pang-anim na dumating si George Oconer ng Team LBC/MVP (3:17:09.32), kasunod si Jhon Mark Camingao (3:17:10.94) at Jan Paul Morales ng Navy (3:17:17.80) at sina Ronald Lomotos (3:18:17.60) at Rustom Lim ng Team LBC (3:19:45.36).
Sa overall classification, pangalawa kay Oranza si Roque na nagtipon ng 35 puntos (5:33:51.53), Jan Paul Morales na may 20 puntos (5:34:52.29), Reynante na may 20 puntos (5:36:57.71) at si Carino na may 19 puntos (5:37:29.80). May 19 puntos din si Ronald Lomotos ng Team LBC/MVP subalit nasa ikaanim ito sa mabagal na (5:37:34.31).
Ikapito si Calderon ng Navy (18 puntos), ikawalo si Lim (15 puntos), ikasiyam si Camingao (11 puntos) at si Julius Mark Bonzo ng Team LBC (11 puntos).
Inangkin naman ni Mindanao Leg champion Jan Paul Morales ang King of the Mountain at ang Sprint King title matapos kumawala sa unang 50 kilomtero at mag-isang tahakin ang dalawang sprint marker. Kapit nito ang overall sprint jersey sa 15 puntos habang mayroon itong 10 puntos sa KOM.
Isusuot ni Reynante ang polka dot jersey na una nitong napagwagian sa Mindanao Leg matapos na pumangalawa kay Morales para masungkit ang walong puntos.
Napanatili naman ni Novendane Alejano ng Team Iloilo ang simbolikong blue jersey para sa Best Local Rider sa pag-okupa sa ika-15 puwesto.
Mag-isang nagsagawa ng kanyang breakaway si Morales paglampas sa 20km sa bayan ng Lampunao matapos na agad umatake ang mga koponan paglampas pa lamang sa kilometer zero mark na naghati sa karera sa tatlong grupo na tampok ang lima-kataong breakaway group at anim na naghahabol bago ang peloton.
Subalit, sa pagdating sa Capiz City, umarya sina Oranza at Oconer upang habulin at samahan si Morales bago umatake ang una sa huling kilometro para sa ikalawa nitong panalo sa Visayas Leg. (ANGIE OREDO)