HINDI na bagong balita ang pagdagsa ng mga turista sa Isla ng Boracay, summer season man o tag-ulan.
Dahil ito ay madalas na mapabilang sa mga “best vacation spot” sa buong mundo, walang tigil ang pagbuhos ng mga foreign at local tourist sa kahit anong buwan.
At dahil sa paglobo ng mga turista, nagsulputan din na mistulang kabute ang mga hotel at resort sa isla. May mga five-star hotel, mayroon ding mga pipitsugin na kahit sa nakatayo sa sulok ay dinaragsa ng mga backpacker.
Nitong Marso 3, lumusob ang aking pamilya sa Boracay.
Kahit tipid sa budget, dumiskarte kami upang matamasa ang sinasabing “Boracay fun.”
Matapos makabili ng budget ticket sa AirAsia noong Hunyo 2015, nakarating kami sa Kalibo Airport sa Aklan halos maghahatinggabi bago sumakay ng aircon van na aming inupahan ng P1,500 patungong Caticlan. Sa Kalibo pa lang, parang blood pressure ko ang presyuhan ng van – tumataas, bumababa sa ilang segundo lang.
Nakakuha kami ng maayos na silid sa Boracay Paradise Hotel sa Station 2 na pag-aari ng aking kaibigan na si Jojo Medina.
Sa ilang ulit kong pagkakapadpad sa Boracay, sa Station 2 ako talaga nakatikim ng tunay na “Boracay fun.” Hindi man five star hotel ang aming kinalalagyan, sa paglabas namin sa gusali ay andiyan na agad ang aksiyon!
Tumingin ka sa kaliwa o sa kanan, mayroong bar, restaurant, spa, souvenir shop, at “hilot by the beach.”
Konting lakad lang, andiyan na ang ipinagmamalaking white beach ng Boracay na milya-milya ang haba.
Kasama ang aking maybahay na si Ameng, walang tigil ang pagtatampisaw ng aming apat na supling sa beach.
Kahit pilit na nagtitipid, hindi pa rin natiis na gumastos upang masubukan ang Boracay adventure tulad ng Fly Fish (P550 per head), All-Terrain Vehicle (P550 per head), helmet diving (P650 per head), at boat ride (P300 per head kasama ang snorkeling at fish feeding).
Sa rami ng tao, bangka man o tricycle ay naiipit sa traffic sa Boracay.
Nakaka-stress pero nakaka-addict din! (ARIS R. ILAGAN)