Nilinaw ng isang dating alkalde ng Candaba, Pampanga at kilalang kaalyado ni Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang mga ulat na nagsasabing suportado ng dating Pangulo ang kandidatura ni Vice President Jejomar Binay sa pagkapresidente.

Naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City sa nakalipas na apat na taon, si Arroyo ang pinuno ng partidong Lakas-Kampi-CMD.

“Wala pa [announcement] kahit anong instructions to support Binay,” sabi ni Jerry Pelayo, dating pangulo ng Pampanga Mayors’ League.

Una nang napaulat na inutusan ni Arroyo ang mga kaalyado niya sa Lakas-Kampi-CMD na tiyakin ang pagkapanalo ni Binay, na pambato ng United National Alliance (UNA), katambal si Senator Gringo Honasan bilang kanyang bise presidente.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napaulat na sumuporta ang dating Pangulo kay Binay sa dalawang araw na pangangampanya ng huli sa lalawigan, katuwang ang ilang lokal na opisyal na sinasabing pawang kaalyado ni Arroyo.

Gayunman, iginiit ni Pelayo na sariling desisyon ng nasabing mga lokal na opisyal na suportahan ang Bise Presidente.

“The vice president has many supporters in the province, and is also being backed by some local government officials here and those in the private sector,’’ paglilinaw ni Pelayo.

Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Arroyo kung sino ang susuportahan nitong kandidato sa pagkapangulo para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Kilalang magkaaway sa pulitika sina Binay at Arroyo, at isa pa ang Bise Presidente sa mga pangunahing kritiko ni Arroyo kaugnay ng mga alegasyon ng kurapsiyon at pandaraya sa eleksiyon laban sa dating Pangulo noong 2004.

(Franco G. Regala)