Lumabag sa batas ang Commission on Audit (CoA) sa pag-audit at pagpapalabas ng report sa sinasabing pagkakasangkot ni Vice President Jejomar Binay sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.
Inihayag ni United Nationalist Alliance (UNA) President Toby Tiangco na partikular na nilabag ng CoA ang Resolution 2015-033 ng ahensiya na may petsang Setyembre 29, 2015, na nakasaad na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng special audit laban sa mga kandidato sa eleksiyon sa Mayo 9.
“As UNA president, I wrote CoA to request them to abide by their own rules. I asked that they should apply the resolution equally to all candidates even those from the opposition,” ayon kay Tiangco.
Ipinaliwanag ni Tiangco na noong Pebrero 21, sinulatan niya ang CoA na “sundin ng ahensiya ang mismong resolusyon nito”.
“Until the termination of the 2016 elections, the Honorable Commission should accordingly desist from acting upon any and all complaints against all candidates in the 2016 national and local elections and not issue any resolutions, rulings or decisions for or against any candidate to avoid the unwitting use of the Commission for partisan political purposes,” bahagi ng letter of appeal ni Tiangco.
Aniya, hindi dapat nagpapalabas ang CoA ng anumang Notice of Disallowance, resolusyon o desisyon kaugnay ng pagsasagawa ng special audit sa panahon ng halalan.
Bingyang-diin niya na pumasa sa mga regular audit ang Makati car park building ngunit kasalungat nito, naglabas din ng isang special audit report na ang layunin ay “siraan” si VP Binay na tumatakbo sa pagkapangulo sa halalan sa Mayo 9. (ROMMEL P. TABBAD)