ILOILO CITY – Nasa state of calamity ngayon ang lalawigan ng Guimaras dahil sa El Niño weather phenomenon.
Naglabas ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng deklarasyon ng state of calamity batay sa validation report na nagpapakitang umabot na saP91 milyong ang halaga ng pinsala ng matinding tagtuyot.
Ayon dito, 2,721 sa 4,473 ektarya ng palayan ang nasira sa second cropping. May 409.8 ektarya naman ng mga gulay, kamatis, mais, at saging ang nasira na tinatayang nagkakahalaga ng P5 milyon.
Sinabi ni Guimaras Provincial Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) coordinator Terry Siason na maaaring madagdagan pa ang mga pinsalang ito dahil may mga ulat pa silang hindi nabeberipika.
Naglaan na ang provincial government ng P2 milyon bilang emergency assistance sa mga apektado ng El Niño. (PNA)