Maria Sharapova

Tennis diva Maria Sharapova, positibo sa droga; suspensiyon sa ITF event, Rio Olympics napipinto.

LOS ANGELES (AP) — Dagok para kay Maria Sharapova ang pagsasawalang-bahala sa mensaheng natanggap niya e-mail.

Dahil sa pagkakamali, nalagay sa balag ng alanganin ang kanyang imahe, endorsement, career at pagsabak sa Rio Olympics sa Agosto.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Inamin ng five-time major champion na nagpositibo siya sa doping test ng Australian Open nitong Enero bunsod ng paggamit ng gamot na ‘meldonium’ na kabilang sa “banned substance” na inilabas ng WADA (World Anti-Doping Agency) ngayong taon.

Sa ipinatawag na media conference nitong Lunes (Martes sa Manila), inako ng dating world No.1 ang responsibilidad sa pagkakamali at kapabayaan.

Batay sa regulasyon, mahaharap siya sa suspensiyon o pagkasibak sa International Tennis Federation (ITF) sa kabuuan ng season, gayundin ang posibilidad na pigilang makalaro sa Team Russia sa Rio Olympics.

“I know that with this, I face consequences,” pahayag ni Sharapova.

“I don’t want to end my career this way, and I really hope I will be given another chance to play this game.”

Natanggap ng 28-anyos na si Sharapova ang report ng doping test kung saan nagpositibo siya sa meldonium, isang uri ng gamot na nakatutulong para maisaayos ang daloy ng dugo.

Ayon kay Sharapova, 10 taon na siyang gumagamit ng naturang gamot.

Ngunit, isinama ng WADA ang nasabing gamot sa listahan ng mga ipinagbabawal dahil umano na nakatutulong ito para mas pataasin ang resistensiya ng isang atleta.

Inilabas ng WADA ang desisyon at pinadalhan ng babala, sa pamamagitan ng e-mail, ang lahat ng manlalaro kabilang ang mga atleta tulad ni Sharapova nitong Disyembre.

Ayon kay Sharapova, hindi niya nabasa ang naturang mensahe dahil hindi niya pinansin ang ipinadalang ulat ng WADA.

“I take great responsibility and professionalism in my job, and I made a huge mistake,” pahayag ni Sharapova.

“I let my fans down. I let the sport down that I’ve been playing since the age of 4, that I love so deeply.”

Ang meldonium, kilala rin bilang mildronate ay sikat na gamot sa sakit sa puso. Gawa ito sa Latvia, isang dating bansa na kabilang sa Soviet Union. Nagagamot umano nito ang ischemia o kabagalan sa pagdaloy ng dugo, ngunit epektibong ‘performance-enhancer’ kung gagamit ng mataas na dosage.

Iginiit ni Sharapova na nagsimula siyang gumamit ng meldonium noong 2006 upang labanan ang ilang problema sa kanyang kalusugan tulad ng kakulangan sa magnesium, regular influenza, at irregular heart beat na dulot ng diabetes kung saan may history ang kanyang pamilya.

Ayon kay WADA President Craig Reedie, awtomatikong mahaharap sa isang taong suspensiyon ang atleta na mapapatunayang gumagamit ng meldonium.

Sa opisyal na pahayag ng ITF anti-doping program, suspendido si Sharapova habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa kaso. Sinabi naman ni WADA spokesman Ben Nichols na hindi sila maglalabas ng anumang komento hanggat hindi naglalabas ng opisyal na desisyon ang ITF.

“I understand the drug is sold particularly in Eastern Europe,” sambit ni Reedie sa panayam ng Associated Press.

“You can almost get it over the counter. For stronger versions, you might need a prescription. There has been a whole rash of these cases since the 1st of January when it appeared on the banned list. This might not be happening if athletes would be taking more care of the things that are on the list.”

Nauna rito, dalawang Ukrainian biathletes, gayundin si Russian cyclist Eduard Vorganov, ang nagpositibo sa meldonium mula nang ibanned ito ng WADA. Kamakailan, inamin din ni Russian Ekaterina Bobrova, European champion ice dancer, na nagpositibo siya sa meldonium.

Isinagawa ang doping test kay Sharapova matapos siyang matalo kay Serena Williams sa Australian Open quarterfinals nitong Enero 26.

Itinuturing na isa sa greatest player si Sharapova ng kanyang henerasyon. Tangan niya ang 35 career singles titles at career earning na $36 milyon. Labas pa rito ang kita niya sa endorsement at candy line na Sugarpova. Sa report ng Forbes, kumita ang world No. 7 ng $29.5 milyon sa taong 2015.

Sa edad na 17, nakopo ni Sharapova ang Wimbledon title noong 2004. Nakuha niya ang No. 1 ranking noong 2005 bago nakamit ang kampeonato sa 2006 US Open. Nagwagi siya sa Australian Open noong 2008 bago naitala ang career Grand Slam tampok ang French Open title noong 2012 at 2014.