Inakusahan ng kampo ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang broadcaster na si Korina Sanchez, asawa ng pambato ng administrasyon na si Mar Roxas, ng paggamit ng pondo ng gobyerno sa “creative vote buying schemes.”
Ayon sa kampo ng alkalde, ginagamit ni Sanchez ang programa ng Department of Agriculture (DA) na namamahagi ng mga farm equipment at ayudang pinansiyal sa mga magsasaka.
Sa mga seremonya para sa pamamahagi ng farm equipment at mga tseke sa ilang lalawigan, pinahihintulutan umano si Sanchez na kausapin ang mga magsasaka at magkuwento tungkol sa asawa nito.
Si Sanchez ay may mga programa sa radyo at telebisyon sa ilalim ng ABS-CBN, habang matagal nang nagbitiw si Roxas bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang kumandidato sa pagkapangulo para sa Liberal Party, ang partido ni Pangulong Aquino.
“Korina is now an accomplice in a systematic shameless act that conditions the electorate to accept dole-outs in exchange for votes,” sabi ni Peter Laviña, tagapagsalita ni Duterte.
Iginiit na may pattern ng “creative vote-buying schemes” ang administrasyon upang isulong ang kanditatura ng pambato nito, sinabi ni Laviña na, “Clearly, this is a form of corruption.”
Gayunman, hindi sinabi ni Laviña kung maghahain ang kampo ni Duterte ng kasong kriminal laban kay Sanchez at sa mga opisyal ng DA sa paglabag sa election laws at sa anti-graft laws.
Kasama ni DA Secretary Proceso Alcala sa pamamahagi ng P54 milyon halaga ng tulong sa mga magsasaka sa Davao del Sur, ikinuwento ni Sanchez sa mga nagtipon sa seremonya na bagamat anak mayaman ang tingin ng marami kay Roxas, ang kanyang asawa ay isang simpleng tao; nagsusuot ng luma at sira-sirang damit kapag nasa bahay lang at mas gustong gumamit ng mga plastic na relo kaysa ang mga mamahaling inireregalo niya rito.
Kasama rin si Sanchez sa pagkakaloob ng P611 milyon halaga ng agricultural funds at equipment sa Kidapawan City sa North Cotabato, sa Mexico sa Pampanga, at sa iba pang lalawigan.
“Is Korina employed by the Department of Agriculture? Why is she the one giving these out?” tanong ni Laviña.
(Ben R. Rosario)