SA kabila ng pagluluksa ni Vice Ganda sa pagyao ni Direk Wenn Deramas ay ibinahagi niya ang ilang alaalang hindi niya malilimutan sa box office director.

“Hindi naman sa minamaliit ko ang ibang direktor pero the Metro Manila Film Festival will never be the same again sa pagkawala ni Direk Wenn. Kakabit na ang kanyang pangalan sa taunang pagdaraos ng festival. Siya lang ang bukod tanging nagtiwala sa aking kakayahan at gawin akong artista. Ano ba naman ang alam ko sa pag-arte? Matinding suporta ang ibinigay niya sa akin at hindi siya maramot na tao. Binigyan niya ako ng artistic freedom na palitan ang dialogue kung sa tingin ko ay hindi ito nakakatawa. Nagklik kami because we are both creative persons,” pahayag ni Vice.

Binalak ni Direk Wenn na gawin siyang Darna.

“Lagi niyang sinasabi na sige, mag-Darna ka at alam kong hindi siya nagbibiro. Type ko din naman kasi dahil isa itong naiibang comedy project,” patuloy ni Vice Ganda.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Nang tanungin kung ano ang biggest achievement ni Direk Wenn bukod sa pagiging blockbuster director, ayon kay Vice, ang pagmamahal at makitang nasa mabuting kalagayan ang kanyang pamilya ang biggest achievement nito. 

“Naihango niya ito sa hirap at nabigyan ng komportableng pamumuhay ang pamilya niya. May mga taong hindi niya kaano-ano na tinulungan din ni Direk na hindi niya ipinamalita. Mapagmahal at caring si Direk and I will miss him terribly.”

Ang huling pelikulang pinagsamahan nina Vice at Direk Wenn ay ang The Beauty and The Beastie na naging top grosser sa nakaraang MMFF.

Sadyang mahirap pantayan ang track record ni Direk Wenn bilang phenomenal hit director. (REMY UMEREZ)