Nagtakda na ng target date ang mga mahistrado ng Korte Suprema para sa pagsusumite ng kani-kanilang opinyon kaugnay ng dalawang kaso ng diskuwalipikasyon laban kay Senador Grace Poe.
Sa en banc session kahapon, napagkasunduan ng mga mahistrado na isumite ang kani-kanilang opinyon bago o pagsapit ng Marso 8 ng taong ito.
Nauna nang umikot sa mga mahistrado ang draft ponencia ni Associate Justice Mar Del Castillo.
Pagkatapos namang maisumite ang magkakahiwalay na opinyon, posibleng itakda na ang botohan ng mga mahistrado sa kaso.
Dalawang isyu ang ikinasa laban sa kandidatura sa pagkapangulo ng senadora: Sa kanyang citizenship at 10-year residency.
Bagamat kabilang sa agenda ang dalawang DQ case sa full court session kahapon, nagpasya ang karamihan sa mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na ipagpaliban ang deliberasyon at pagboto sa susunod na linggo sa draft decision na inihanda ni Justice Mariano C. Del Castillo, na may hawak sa mga kaso. (Beth Camia at Rey Panaligan)