SA imbitasyon ng Alyansang Duterte-Bongbong (AlDuB), nagtungo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Laoag City at nakipagkita sa mga Ilokanong nagsusulong nito. Madaling maunawaan kung bakit hindi niya kasama ang kanyang ka-tandem na si Sen. Cayetano dahil ang nais ng grupong ito ay si Sen. Marcos ang kanyang pangalawang pangulo. Sa pulong sa pagitan ni Duterte at ng AlDuB, ipinangako ng alkalde na wawakasan niya ang kriminalidad sa bansa sa loob ng 3-6 na buwan kapag siya ay nanalong pangulo.

“Kapag ‘di ko kaya in 3 to 6 months,” wika niya, “mag-resign ako at Presidente na si Bongbong.”

Hindi ko alam kung napaniwala niya ang mga Ilokano. Kasi, minsan sa ating kasaysayan ay Ilokano ang naging Pangulo ng bansa na nagbuhat mismo sa kanilang lugar. Taga-Ilocos Norte si Pangulong Ferdinand Marcos, ama ni Sen. Bongbong Marcos, na 14 na taon sa puwesto. Kung hindi nag-alsa ang sambayanan, baka tumagal pa ito. Pero, hindi niya nasugpo ang krimen, sa halip ay lumala pa nga sa kabila na gumamit na siya ng kamay na bakal. Lahat ng uri ng pananakot na malaya niyang ginawa sa ilalim ng idineklara niyang batas militar ay naging inutil. Walang bisa ang kanyang mga dekrito na sumupil sa karapatan ng mamamayan at mga nilikha niyang grupo na may lisensiyang pumatay sa umano ay mga holdaper sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng Crimebuster at Secret Marshal. Hindi nga tumagal ang epekto ng ginawa niyang pagpatay sa pamamagitan ng firing squad sa isang Chinese na drug lord daw.

Kasi, ang problema ng krimen, kung ito ay lulutasin, ay dapat isaalang-alang sa komprehensibong programa na mapapaunlad mo ang bansa at buhay ng mamamayan. Hindi ko alam kung ang ganitong programa ay mapapairal agad sa loob ng 3-6 na buwan. Hindi lang tapang at pumatay ang puhunan, tulad ng ginawang panlunas ni Pangulong Marcos noong kanyang panahon. Ang krimen ay may built-in mechanism na kapag ito lang ang iyong sinupil, bubuwelta ito na lalong magiging grabe.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi lang naman si Duterte, bilang Pangulo, ang magpapairal nito. Eh, ipauubaya niya ito sa mga pulis at sundalo.

Kung hindi magdaraan sa korte, paano mo mapoproseso kung ang pinatay o papatayin ay nagkasala nga o kaya nakainitan lang o kaaway ng mga tagapagpatupad ng batas? Lalo lang magiging magulo ang bansa at daragsa ang maaapi.

(RIC VALMONTE)