VIGAN CITY, Ilocos Sur – Masusing naka-monitor ang Provincial Veterinary Office (PVO) sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa Ilocos Sur dahil sa biglaang pagdami ng kaso ng New Castle Disease (NCD) sa mga manok sa lalawigan.
Sinabi kahapon ni Dr. Joey Bragado, provincial veterinary officer ng Ilocos Sur, na nasa 17 bayan sa probinsiya ang apektado na ng NCD virus na nagresulta sa pagkamatay ng may 23,000 manok, na karamihan ay mga native na manok na inaalagaan sa bakuran.
Upang makontrol ang pamemeste ng sakit sa lalawigan, sinabi ni Bragado na nagsasagawa na ang kanilang tanggapan ng malawakang pagbabakuna sa mga manok.
“Nakakuha na kami ng 32,000 doses ng bakuna laban sa NCD mula sa regional office ng Department of Agriculture; at naipamahagi na rin namin ang mga bakuna sa mga local government unit para sa massive vaccination,” sabi ni Bragado.
Dagdag pa ni Bragado, istrikto na ring nagpapatupad ng mga checkpoint sa walong pinapasukan ng mga sasakyan sa lalawigan upang obligahin ang mga nagbibiyahe ng manok na magprisinta ng sertipikasyon na kumpleto sa bakuna ang mga manok na ipapasok sa probinsiya.
“Nananawagan ako sa lahat ng residente sa probinsiya na iulat ang anumang kaso ng NCD sa kanilang komunidad sa LGUs livestock inspectors para mapigilan ang pagkalat ng virus,” ani Bragado, at pinayuhan ang lahat ng namatayan ng manok na ilibing ang mga ito upang hindi kumalat ang NCD. (Freddie G. Lazaro)