Ginapi ng National University ang University of the Philippines, 4-1, para makalapit sa asam na pagwalis sa double round eliminations ng men’s division ng UAAP Season 78 lawn tennis tournament sa Rizal Memorial Tennis Center.

Nagsipagtala ng panalo para sa Bulldogs sina Fritz Verdad, Dheo Talatayod at Leander Lazaro sa singles play kasama ng doubles pair nina Al Madrid at Jigo Peña.

Hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa siyam na laban, pinaakyat ng 4-peat seeking Bulldogs ang kanilang record winning streak sa 42 magmula noong 2013.

Kailangan na lamang ng NU na magapi ang Ateneo sa kanilang huling laro sa eliminations upang makamit ang twice-to-beat advantage sa finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang nasabing winning streak ng NU ang ikalawang pinakamahaba sa alinmang tem sport sa bansa, kasunod ng 70-game winning run ng Adamson sa women’s softball.

Sa kabila ng kabiguan, naging konsolasyon ng Fighting Maroons ang pananatili sa ikalawang posisyon taglay ang barahang 6-3, habang nakabuntot ang Blue Eagles 5-4, kasunod ang University of the East, 2-3.

Sa kababaihan, nagbabanta ring maka-double round sweep sa eliminations ang Lady Bulldogs matapos maitala ang ikapitong sunod na tagumpay.

Sa pangunguna ng magkapatid na Christine at Clarice Patrimonio, tinalo ng Lady Bulldogs ang Lady Maroons, 4-1.

Pumapangalawa naman ang University of Santo Tomas na nagwagi kontra De La Salle,4-1. (Marivic Awitan)