NGAYONG araw, Pebrero 25, tumakas si ex-President Ferdinand Marcos patungong Guam matapos patalsikin noong People Power noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986, may 30 taon na ang nakalilipas. Muling naibalik ang demokrasya at kalayaan na sinupil ng diktador sa loob ng maraming taon. Tanong: Naibalik nga ang demokrasya at kalayaan (kabilang ang freedom of speech) subalit umunlad ba ang Pilipinas? Nagkaroon ba ng peace and order? Nasugpo ba ang kriminalidad at nakontrol ang paglaganap ng mga droga na sumisira sa utak ng kabataan at nagiging sanhi ng rape, murder at karumal-dumal na gawain?
Nakababahalang maging sa local level ay umiiral pa rin ngayon ang kurapsiyon at pananamantala sa mahihirap na tao. Sa Maynila, hiniling ni Rep. Benjamin “Atong” Asilo, kandidato sa pagka-vice mayor ng Liberal Party, na ipatigil ng pamahalaang lungsod ang maanomalyang transaksiyon sa apat na ektaryang Manila North Green Park sa North Cemetery. May mga reklamo na sa mahigit 15,000 butas sa sementeryo, naniningil ng P5,00 sa exhumation makalipas ang limang taong kontrata.
Ayon kay Asilo na Pambato ng Tondo (o Siga ng Tondo), lumalabag ang Green Park sa memorandum of agreement (MOA) na pinasok nito sa local government dahil ibinibenta umano ang bawat butas mula sa P10,000 hanggang P80,000 taliwas sa kasunduan na P10,000 lamang. Sinabi ni Cong. Atong, chairman ng Committee on People’s Participation, ang layunin ng MOA ay matulungan ang mahihirap na pamilya na kulang ang pambayad sa pampalibing kung kaya’t ang bahagi na saklaw ng Manila government ay talagang libre sa kanila.
Samantala, pinagtibay ng kanyang komite ang tinatawag na volunteerism bilang estratehiya sa pambansang kaunlaran.
Dumarami ngayon ang partisipasyon mula sa mga pribado at pampublikong sektor upang makatulong sa kanilang kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na kung panahon ng kalamidad at krisis.
May apat sa 10 Pinoy o 39 na porsiyento ang nagsabing baka magkaroon ng dayaan sa halalan sa Mayo 9. Nasa 48% naman ang naniniwalang magiging malinis at kapani-paniwala ito. Kalabit ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ano kaya ang magiging papel ng PCOS machines dito? Gagawa kaya ito ng hokus-pokus para maipanalo ang mga kandidatong nais manalo?” Nosibalasi?
May binanggit pang mga porma ng pandaraya o paggamit ng kung anu-anong taktika, tulad ng tatlong G (gold, guns at goons), pero sumabad si Tata Berto na may isa pa raw G, at ito ay girls. Mayor Rodrigo Duterte, ano ang masasabi mo rito? (BERT DE GUZMAN)