Dahil sa pagkakaantala ng kanilang 2016 budget, sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si Cagayan Vice Governor Leonides Fausto at apat pang board member ng lalawigan.
Bukod kay Fausto, kinasuhan din ng grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, at abuse of authority sina Sangguniang Panglalawigan Board Members Vilmer Viloria, Romeo Garcia, Mila Lauigan, at Winocco Abraham.
Katwiran ni Cagayan Governor Alvaro Antonio, “Marami nang naantala at naapektuhang proyekto ng probinsiya, lalo na sa imprastruktura, bunsod ng mabagal na pagpasa sa P1.9-bilyon mungkahing budget para sa kasalukuyang taon.”
Paliwanag ng gobernador, sa nasabing budget ay aabot sa 45 porsiyento ang mapupunta sa sahod at operasyon ng bawat departamento sa kapitolyo, habang ang natitirang 55% ay para sa mga proyekto.
Aniya, binalewala ng Sangguniang Panlalawigan ang liham niya na nagpapaalala sa obligasyon ng mga ito na ipasa ang budget noong Disyembre 2015.
Iginiit pa ni Antonio na may “bahid-pulitika”, bukod pa sa personal na interes, ang pagkakabalam ng pagpapasa sa budget.
Pinabulaanan naman ni Lauigan ang alegasyon at sinabing “pinoprotektahan lamang namin ang pondo para hindi ito mapulitika.” (Rommel P. Tabbad)