tour copy

Morales, wagi sa Stage 3; Ronda title, senelyuhan.

Cagayan De Oro City – Nabigo si Ronald Oranza sa tinatahing kasaysayan sa bagong format na LBC Ronda Pilipinas nang maunsiyami ang tangkang ‘triple crown’ sa Mindanao Stage matapos humirit ang kasangga niya sa Philippines Navy-Standard Insurance na si Jan Paul Morales.

Humarururot si Morales, overall leader sa nakalipas na dalawang stage, para pagwagihan ang Stage 3 criterium sa Pueblo de Oro at selyuhan ang napipintong dominasyon sa pinakamalaking karera sa bansa at nagbibigay ng pinakamalaking premyo.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Naisumite ni Morales ang tiyempong isang oras, siyam na minuto at 23.64 na segundo para makopo ang kabuuan ng 39 na puntos at panatilihin ang pagsuot sa simbolikong red jersey. Sa loob ng tatlong stage, nakatipon si Morales ng kabuuang oras na 6:31:38.30.

“Alam ko naman po kung sino ang babantayan,” pabirong pahayag ni Morales, patungkol sa kanyang teammate na si Oranza, ang winner sa unang dalawang stage.

Kapalaran na lamang ang kalaban ni Morales para mapigila ng kanyang pagluklok sa kampeonato sa pagratsada ng magaan na Stage 4 20-km Individual Time Trial (ITT) sa Dahilayan, Bukidnon sa Huwebes.

Pumangalawa kay Morales sa yugto ang kakampi na si Daniel Ven Carino (1:09:23.95) habang ikatlo si Rudy Roque (1:09:24.03s). Pang-apat na dumating si Oranza (1:09:24.47s) habang ikalima si Lloyd Lucien Reynante (1:09:24.67).

Nasa ikaanim si Arnold Marco ng Team LBC/MVP (1:09:24.92), ika-pito si El Joshua Carino ng Navy (1:09:25.87), pang-walo si Ronnilon Quita ng Team LBC (1:09:25.89), ika-siyam si Joel Calderon ng Navy (1:09:26.22) at kinumpleto ni James Paolo Ferfas ng Team LCC Lutayan (1:09:27.07) ang top 10.

Napanatili naman ni Reynante ang ikalawang puwesto sa overall individual classification sa natipon na 29 na puntos at kabuuang oras na 6:36:50.27, habang nasa ikatlo si Oranza na nakatipon ng 27 puntos at 6:31:38.79 oras. Ikaapat na puwesto si Daniel Carino na may 25 puntos (6:31:.39.11) at ikalima si Roque na may 25 puntos at 6:31:49.07.

Napanatili naman ni John Mark Camingao ang MVP Local leader na blue jersey sa natipon na 11 puntos gayundin ang King of the Mountain na polka dot jersey na isusuot muli ni Reynante sa natipong 10 puntos. Ang Overall Sprint jersey ay bibitbitin din ni Morales matapos makuha ang tatlong puntos. (ANGIE OREDO)