pacman copy

Arum, binatikos ni Ariza sa pagtatwa kay Pacman; Roach, nanindigan sa isyu ng LGBT.

Iginiit ni Hall-of-Famer Freddie Roach na ‘business as usual’ ang pagsasanay ni eight-division world champion Manny Pacquiao, malayo sa haka-haka ng iba na apektado si Pacman sa negatibong bira, gayundin sa pagkalagas ng mga sponsor na dating nakagunyapit sa People’s Champion.

Ayon kay Roach, walang epekto ang pag-atras ng Nike bilang sponsor, gayundin ang banta ng ilang kumpanya at celebrities na boboykotin ang laban niya kay American Timothy Bradley sa MGM Grand sa Las Vegas sa Abril 9.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“It’s business as usual,” sambit ni Roach. “Manny take this as part of his daily routine. You have to understand, he is a politician. But when it comes to training, there’s no problem,” sambit ni Roach.

Kaliwa’t kanang pagbatikos ang natitikman ngayon ni Pacman mula sa local hanggang sa international celebrities bunsod ng kanyang pahayag laban sa LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender) community.

Sa isang panayam sa TV5, nabanggit ni Pacman na “masahol pa sa hayop” ang pakikipagrelasyon sa parehong kasarian.

Hindi pabor si Pacquiao, isang Evangelical Christian, sa same sex-marriage , na isang legal na gawain sa maraming bansa kabilang na ang ilang States sa Amerika.

“Manny is a Filipino, a citizen of the biggest Christian country in the world. He’s the only man on earth to have won world championships in eight divisions and as such is adored and respected by the entire world. As a government leader, he’s bound to make a stand on pressing issues,” paliwanag ni Roach.

Bukod sa Nike, pinutol na rin ng US-based ‘Wonderful Pistachios’ ang ugnayan nito kay Pacman na nagsilbing product endorser sa kanilang ‘Get Crackin’ commercial.

“Wonderful Pistachios is not currently affiliated with Manny Pacquiao nor do his views align with ours,” pahayag ni Jennifer George, kinatawan ng kumpanya sa media statement.

“Wonderful Pistachios stands firmly for diversity and equality, and we proudly support marriage equality and inclusion around the world,” aniya.

Wala pang pormal na pahayag ang iba pang kumpanya sa US na may kaugnayan kay Pacquiao tulad ng Foot Locker at Nestle, ngunit, inamin ni Bob Arum, promoter ni Pacman sa Top Rank, na marami na ang nagpaparamdam sa kanya nang pagkadisgusto sa naging pahayag ng Pinoy champion laban sa LGBT kung kaya’t tila nahihirapan siyang ibenta ang laban kay Bradley sa Abril 9.

Binatikos naman ni Alex Ariza, dating conditioning coach ni Pacquiao, ang pahayag ni Arum laban kay Pacman na “reprehensible” ang naging pahayag nito sa LGBT.

Aniya, imbes na batikusin, dapat ay kampihan at ipagtanggol ni Arum si Pacman. Ang ganitong aksiyon ni Arum, aniya, ay patunay lamang na mas mahalaga ang pera at mga kaibigan ni Arum sa ‘Las Vegas at Hollywood’ kesya kay Pacman.

“I understand Manny. We all have our beliefs. (His statements) the way it came out to be, It’s just his religious beliefs,” sambit ni Ariza.

“There’s no loyalty with Arum. He’ll do anything to separate himself and Top Rank from Manny, now. He doesn’t want the backlash because it’s always money to Arum. You are supposed to protect your fighter but he knows Manny is on his way out so he wants to separate. It’s so sad,” pahayag ni Ariza. (Gilbert Espeña)