Walong kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P40 milyon, ang nakumpiska mula sa dalawang Chinese sa buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa Pasay City, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni SPD Officer-in-Charge (OIC) Senior Supt. Eusebio Mejos ang dalawang naaresto na sina Li Shao Xiong, 35; at Shi Qing Tian, alyas “Angelo Santillan”, 47, kapwa taga-Fujian Province, Shi Shi City, China.
Dakong 9:00 ng gabi nang arestuhin ng awtoridad ang dalawang dayuhan matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa panulukan ng Macapagal at Gil Puyat Avenues sa Pasay City.
Nakumpiska sa mga suspek ang walong kilo ng hinihinalang shabu, P4,000 marked money, apat na bundle ng Budol moey, tatlong cell phone, ID, at isang orange na Honda Civic (WKS-777) na pinaniniwalaang ginagamit sa transaksiyon.
Bago ang insidente, mahigit dalawang buwang surveillance ang isinagawa ng SPD laban sa ilegal na aktibidad ng mga dayuhan hanggang sa kumagat ang mga ito sa naturang transaksiyon.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensiya sa SPD Crime Laboratory upang suriin, at sakaling magpositibo ang resulta ay kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act). (Bella Gamotea)