DATU ODIN SINSUAT, Maguindanao – Hinimok ng militar ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa posibleng mga pagpapasabog ng bandidong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga pampublikong lugar.
Ito ang apela ni Capt. Joann Petinglay, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, matapos ang pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) sa highway ng Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, nitong Miyerkules.
Ang bomba, pinaghalong itim na pulbos, 9 volts battery, mga pinutol na pako at basag na kable ng motorsiklo, ay sumabog dakong 10:00 ng umaga sa gilid ng kalsada sa Barangay Taviran, may 800 metro ang layo mula sa isang Army at paramilitary detachment.
Hinimok ni Petinglay ang lahat na kaagad ipaalam sa mga pulis o militar kapag mayroong kahina-hinalang bagay na iniwan sa kanilang komunidad.
Sinabi ni Senior Insp. Lindsy Sinsuat, police chief ng Datu Odin Sinsuat, na ang lugar ng pagsabog ay malayo sa kabahayan at iniwan ang bomba sa damuhan. Walang nasaktan sa insidente.
Ito ang ikalawang IED na sumabog sa Maguindanao matapos ang pagsabog sa Datu Saudi Ampatuan noong Martes ng gabi na ikinamatay ng apat na katao at ikinasugat ng dalawa pa. (PNA)