Matapos ang matagal na pagbubulakbol at hindi pag-intindi sa kanyang boxing career, muling humingi ng tawad sa kanyang promoter na si Sammy Gello-ani si dating WBO super flyweight champion Marvin Sonsona at nagbalik sa pagsasanay.

Matagal nalulong sa masasamang bisyo kasama ang mga kabarkada sa General Santos City, South Cotabato kaya nabansagang “New Bad Boy of Dadiangas,” umaasa si Sonsona na mapapalaban sa undercard ng laban ni dating IBF light flyweight champion Johnreil Casimero kay IBF flyweight titlist Amnat Ruenroeng ng Thailand.

May kartadang 20-1-1, win-loss-draw, na may 15 pagwawagi sa knockouts, nakatakdang hamunin ni Sonsona si WBC featherweight champion Gary Russel Jr. noong nakaraang taon pero mas pinili niyang manatili sa Pilipinas kaya nawala siya sa world rankings.

Nagsimulang magsanay si Sonsona sa ilalim ni Dodie Boy Agrabio na umaming matatagalan bago makabalik ang dating kampeong pandaigdig sa timbang ng featherweight division.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sa kanyang huling laban noong Hunyo 6, 2015 sa Carson, California, tinalo ni Sonsona sa 10-round majority decision ang Amerikanong si Jonathan Arellano pero mabagal siya sa engkuwentro hindi katulad nang patulugin niya sa 3rd round si dating WBA super bantamweight champion Akifumi Shimodi ng Japan sa Macao, China noong 2014.

Natalo lamang si Sonsona kay Puerto Rican Wilfredo Vasquez Jr., na nagpatulog sa kanya sa 4th round sa laban nila para sa bakanteng WBO super bantamweight belt noong 2010 sa Bayamon, Puerto Rico.

Pero sa kanilang rematch noong 2014 sa Madison Square Garden sa New York City sa United States, pinabagsak ni Sonsona sa 1st round si Vasquez para magwagi sa 10-round split decision at masungkit ang bakanteng NABF featherweight title. - Gilbert Espeña