Ipinasisiyasat ng dalawang kongresista mula sa Mindanao ang pagpapasabog sa mga transmission tower sa Mindanao, na nagdudulot ng malawakang brownout sa maraming lugar sa rehiyon.
“Currently, parts of Mindanao are experiencing rotating brownouts ranging from 4 to 8 hours per day,” ayon kina Cagayan de Oro City Rep. Rufus B. Rodriguez at Abante Mindanao Party-list Rep. Maximo B. Rodriguez, Jr.
Ang magkapatid na kongresista ang may akda ng HR 2603 na humihiling sa Committee on Energy na siyasatin ang tungkol sa pambobomba sa transmission towers ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Mindanao.
Nais ding malaman ng dalawang mambabatas kung ano ang ginagawang hakbang ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang mapigilan ang posible pang pagpapasabog ng mga rebelde. (Bert de Guzman)