TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Tatlong mangingisda ang napaulat na nawawala matapos silang pumalaot sa baybayin ng Palanan, Isabela, noong nakaraang linggo.
Humingi ng tulong sa media at sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno si Carmela Soriano, taga-Barangay Masagana, Dilasag, Aurora, para matukoy ang kinaroroonan ng nawawala niyang asawa na si Custodio Soriano.
Bukod kay Custodio, nawawala rin kasama nito ang dalawang kasamahang sina Robert Bacas at Rico Jersalia.
Ayon sa report, dakong 3:00 ng hapon nitong Enero 21 nang umalis ang mga mangingisda mula sa kanilang mga bahay upang pumalaot sa Palanan, Isabela, sakay sa isang maliit na bangka nasusulatan ng “Ron-ron 2.”
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik ang tatlong mangingisda.
May hinala si Carmela na tinangay ng malalaking alon ang bangka ng mga mangingisda.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ang search and rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang hanapin ang mga nawawalang mangingisda. (Freddie G. Lazaro)