BITBIT ang warrant of arrest, nagtungo ang PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao upang dakpin si “Marwan”. Sa layuning ito, sinunod nila ang Oplan Exodus na binuo nina Pangulong Noynoy, dating PNP Chief Purisima at ang pinuno ng SAF na si Napeñas sa Malacañang. Nang ilahad ni Napeñas ang plano, sinabi umano ng Pangulo na makipag-coordinate sila sa mga sundalo na nakadestino sa lugar. “With due respect”, sagot niya sa Pangulo, “ang army ay compromised.” Ang ibig niyang sabihin ay baka masira ang plano kapag ipinaalam kaagad sa army. Kaya wika niya, time on target ang gagawin nilang koordinasyon. Kapag naroon na raw sila sa lugar, saka sila makikipag-coordinate sa army. Hindi raw kumibo ang Pangulo.
Sa nauna at nitong huling imbestigasyon, ang lumutang na dahilan ng pagkamatay ng SAF 44 ay ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga pulis at sundalo. Hindi nangyari ang time on target dahil hindi tinupad ni Purisima ang inako niyang responsibilidad na siya ang makikipag-coordinate sa pinuno ng mga sundalo. Dahil dito, ang suportang dapat ibigay sa mga commando nang sila ay masukol sa kanilang pag-atras ay hindi dumating sa tamang oras.
Pero iginiit ni Napeñas na nakipag-ugnayan siya sa mga pinuno ng army nang matanggap niya ang balita na naiipit na ang kanyang grupo. Pinabulaanan naman ito ng itinuturong niyang nakaugnayan niya. Ang kahilingan niyang bombahin ang mga kalaban ay tinanggihan din dahil hindi raw maliwanag ang impormasyong ipinaabot niya kung saan dapat ibagsak ito. Ang pagtuturuan nina Napeñas at mga heneral ng army sa pag-iwas nila sa pananagutan sa pagkamatay ng SAF 44 ay ikinagalit ni Sen. Enrile. Sa ganoong kagipitan aniya ay bakit hindi nila napagtugma ang kanilang aksiyon at puwersa.
Ang mga Amerikano ang nagturo kung nasaan si Marwan. Malaking halaga ang inilaan nila sa ulo nito. Nais naman ng grupo ni Purisima na masarili ang karangalang sila ang nakadakip sa kanya para sa nasabing halaga. Kaya time on target ang binalak nilang koordinasyon sa militar dahil, tulad ng layunin ng grupo ni Purisima, nais din ng mga ito na maangkin ang nasabing karangalan. Kaya, hindi mo maaasahan na magtutulong ang pulis at militar sa pagkakataong ito, at anumang pagkakataon mayroon tulad ni Marwan, na siyang gustong mangyari ng Enrile. Para kasi silang mga aso na nag-aaway sa butong inihagis ng Kano. (RIC VALMONTE)