Ipinatitigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng “GrabBike” sa Metro Manila.
Inatasan na ng LTFRB ang MyTaxi.ph, ang operator ng GrabBike, isang motorcyle taxi service na nag-o-operate sa National Capital Region (NCR), na sumunod sa utos ng ahensiya hanggang hindi pa nakapagpapalabas ng kaukulang alintuntunin ang Department of Transportation and Communications (DoTC) na nagpapahintulot sa nasabing serbisyo, alinsunod na rin sa ipinaiiral na Department Order (DO) No. 2015-011.
Sinabi ng LTFRB na binigyan nito ng akreditasyon ang MyTaxi.ph, na operator din ng “GrabCar” at “GrabTaxi” sa bansa, upang mag-alok ng Transport Network Vehicles (TNVS) gamit ang kanilang digital platform technology.
Ngunit, nilinaw ng gobyerno na hindi saklaw ng DO ang operasyon ng GrabBike sa tulong ng Internet-based technology platform upang mapabilis ang pre-arranged transportation para sa mga pasahero.
“As part our mission to ensure the riding public’s safety and convenience, we will not tolerate Transportation Network Companies to provide transport service using motorcycles or bikes until we have set the proper guidelines and regulations,” paliwanag ni LTFRB Chief Winston Ginez.
Sa kautusan ng LTFRB, dapat lang na ihinto ng MyTaxi.ph ang pag-aalok nito sa publiko ng mga bike at motorsiklo bilang paraan ng transportasyon at pinagpapaliwanag din ang kumpanya kung bakit walang permit ang serbisyo nito.
(Rommel P. Tabbad)