Nakahanda na lahat ng mga pasilidad at venues na pagdarausan ng 2016 Palarong Pambansa sa Abril 9-16 na lalahukan ng mga student-athletes.

Ito ang inilahad ng mga organizer ng 2016 Palaro sa paglagda sa memorandum of agreement (MOA) noong nakaraang Lunes sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City.

Karagdagang dalawang bagong swimming pool at isang tennis court at isang grand stand ang nakahanda sa main venue na Bicol University Sports Complex para sa school-based multi-sports competition na gaganapin sa Albay sa ikalawang pagkakataon sa loob ng 63 taon.

Nakatakda namang isagawa ang mga indoor sports sa ilang mga pribadong paaralan sa Legazpi partikular na sa St. Agnes Academy, Aquinas University at Divine Word College.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumpiyansa ang mga organizer ng Palaro na magiging matagumpay ang pagdaraos ng national event na lalahukan ng 17 rehiyon na inaasahang makakatulong ng malaki para mas lalo pang lumakas ang turismo sa lalawigan.

Tinatayang aabot sa mahigit 10,000 kabataang atleta, coaches, trainers at mga magulang bukod pa sa mga kagawad ng media ang dadagsa sa Albay para sa Palaro.

“We really worked hard since we won the bidding last October 28, 2015, ’yung facilities naman na-procure na namin implementation na lang ang kulang. And we really want this to be a touristic Palaro,” ayon kay Albay governor Joey Sarte Salceda.

“Ang Albay naman sa sports na indoor we have the facilities kasi puno kami ng Catholic schools and sa outdoor naman oval lang ang kulang which is provided already,” dagdag pa nito. “Sports tourism is our jump off point. Unang-una, tourism naman kasi ang most horizontal industry. In tourism at least five jobs are created sa short term pa lang ’yun.”

“Our aim is to showcase the beauty of Albay secondary to prove to ourselves that we can host the Palaro,” wika pa ng gobernador. (Marivic Awitan)