“HINDI ba naaayon sa Saligang Batas,” tanong ni Justice Marvic Leonen sa abogado ni Sen. Grace Poe, “na lumikha ng doktrina ang korte na hayaan muna ang taumbayan ang magpasya at tayo ang huling magdedesisyon kung sakaling magkaroon ng kaso?”

Normal na sang-ayunan ito ng abogado dahil pabor ito sa senadora. Kasi, sa doktrinang ito na binanggit ng mahistrado, nais niyang tumakbo muna si Poe at kung ito ay magwagi at may kumuwestiyon sa kuwalipikasyon nito ay saka lang ito reresolbahin ng Korte Suprema. Nangyari ito sa unang pagdinig ng disqualification case laban sa senadora.

Ang dulo ng suhestiyong ito ni Justice Leonen ay ibasura ang mga kasong disqualification laban sa senadora. Hayaan munang tumakbo ito. Baka nga naman pinangungunahan na ng Korte ang pagresolba sa isyu gayong hindi pa naman kailangan. Paano kung matalo ito, para ano pa nga ba ang naging desisyon niya? Samantala, nabigyan ng pagkakataong mamili ang mamamayan ng kanilang iboboto kasama na rito ang senadora. Kay Justice Leonen, hindi pa hinog ang disqualification case ni Poe para pakialaman ito ng Korte.

Paano kung manalo si Poe? Ang gustong mangyari ni Leonen ay saka buhayin ang disqualification nito. Malaking problema ito. Maaaring sa unang bahagi ng termino ni Poe ay hindi papansinin kung kuwalipikado itong mamuno. Kasi lagi namang nangyayari sa ating pulitika na pagkatapos mahalal ang kandidato sa panguluhan ay napakabango.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Napakalaki ng pag-asa ng mamamayan na may idudulot itong pagbabago. Mapapaunlad ang bayan at mahahango ang mga dukha sa kahirapan. Ganito tinanggap ng sambayanan sina Pangulong Erap at Noynoy pagkaupong-pagkaupo nila. Hindi nagtagal, dismayado na ang bayan. Pinatalsik nga nila si Pangulong Erap sa gitna ng termino.

Ganito rin ang mangyayari kay Poe o sa kung sinumang mahahalal na Pangulo ng bansa. Ngayon pa lang ay malaki na ang kanilang nagagastos, hindi pa nagsisimula ang kampanya. Ang mga oportunista, negosyante, at kapitalista, Pilipino man o dayuhan, ay nangangakapital na sa alam nilang magwawagi. Iyong hindi tatanggapin ng mga kandidato ang tulong ng may balak bawiin ito sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan ng gobyerno kung sila ay magwagi, tell that to the marines. Ang malaking problemang idudulot ng gustong mangyari ni Leonen ay magiging magulo ang pamamahala ni Sen. Poe kung magwawagi itong Pangulo. Kasing gulo, kung hindi mas magulo pa, nang si Gloria ang Pangulo. Walang mandato si Pangulong Gloria dahil dinaya niya ang eleksiyon. Ibinoto nga si Poe, pero disqualified pala.

(RIC VALMONTE)