HINIRANG ni Pangulong Noynoy Aquino si Secretary Alfredo Benjanim Caguioa ng Department of Justice (DoJ) bilang bagong mahistrado ng Korte Suprema. Pinalitan niya si Associate Justice Martin Villarama, Jr. na nagretiro nitong Enero 16. Si Caguioa ay isa sa limang inirekomenda ng Judicial Bar Council (JBC) sa Pangulo. Kasama niya sa JBC shortlist sina Presiding Justice Andres Reyes, Jr. at Associate Justice Jose Reyes, Jr. at Apolinario Bruselas.
Hindi rin naiiba ang Pangulo sa mga nauna sa kanya sa paghirang ng mga kasapi ng hudikatura tulad ng Korte Suprema.
Kahit na may tatlong justices sa mga pagpipilian, ang pinili niya ay si Caguioa na hindi man lang nanungkulan sa hudikatura kahit sa maikling panahon. Hindi problema ang kanyang kuwalipikasyon. Mayroon siyang economics at law degree. Nang magtapos siya sa Ateneo de Manila, siya ay second honor. Pang-15 siya sa 1986 Bar Examination at matagal din nagsanay ng kanyang propesyon bilang abogado. Hinirang siya ng Pangulo bilang chief presidential legal staff at nang mag-resign si Sec. Delima sa DoJ dahil kumandidato na ito sa pagkasenador. Kaya lang nga, hindi pa siya nag-iinit sa pagkakaupo sa nasabing puwesto, hinirang na siya ng Pangulo sa Korte Suprema. Kaya tulad ng mga naunang hinirang ng Pangulo na sina Chief Justice Sereno, Justice Leonen at Jardeleza, hindi siya galing sa hudikatura.
Ang Pangulong intresado sa ikabubuti ng serbisyo ay humuhugot ng kapalit sa linya ng pinanggalingan ng papalitan.
Halimbawa, ang nagretiro ay si Mahistrado Villarama. Para sa akin, sa hudikatura dapat ang pipili ng kapalit at hanggat maaari ay batay sa itinagal nito sa serbisyo. Hindi ko alam kung sino ang mas matalino kina Caguioa at sa tatlong mahistrado, pero ang alam ko ay bumilang na ng taon sa serbisyo ang tatlo. Higit na bihasa na sila sa tungkulin sa hudikatura. Hinog na sila para maging mahistrado ng Korte Suprema, kaya lang sa ibang pamantayan humirang ang Pangulo.
Totoo, nasa Pangulo ang kapangyarihang humirang ng mga opisyal ng gobyerno sa pang kalahatan. Karapatan niyang mamili ng kanyang hihirangin sa mga nasa shortlist ng JBC sa Korte Suprema. Pero, ang kapangyarihang iyan ay may limitasyon. Ang obligasyon niya na pamahalaan ang gobyerno ayon sa kapakanan ng bayan. Makakabuti sa bayan na ang matagal na sa hudikatura ang dapat kinuhang kapalit. Una, bilang benipisyo ng taong tapat na nanilbihan ng matagal sa taumbayan, pinagtiyagaan niya ang hindi kalakihang sahod na ibinibigay ng gobyerno. Iyong mga taong galing sa labas, tulad ni Caguioa, kumita na siya sa makakaya niyang paggamit ng kanyang propesyon, wala naman siyang naging serbisyo sa hudikatura. Ikalawa, may kasiguroduhan na magiging malaya siya sa pagpapasiya. Hindi niya utang ang posisyon sa humirang sa kanya kundi sa taumbayan na pinaglingkuran niya ng tapat. Ang pamantayan ng Pangulo ay takot na baka matulad siya sa dalawang Pangulo na nauna sa kanya. Kailangan niya ng kakampi. (RIC VALMONTE)