Isang panibagong libel case ang kinakaharap ngayon ng pinatalsik na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II.

Ito na ang ikatlong libel case na isinampa laban sa dating INC minister, kabilang ang dalawang unang inihain sa Kapatagan, Lanao del Norte; at Marawi City, Lanao del Sur.

Ayon kay Supt. Albert Barot, hepe ng Station 5 ng Manila Police District (MPD), nakatanggap sila ng subpoena na nag-aatas kay Menorca na dumalo sa pagdinig sa isang libel case sa Marso 4 sa Cavite City.

Ang subpoena ay nakarating sa tanggapan ni Barot mula kay Atty. Arnel Hanabajal, ng Cavite Prosecutor’s Office.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Nilinaw naman ni Barot na wala pang warrant of arrest laban kay Menorca at tanging subpoena pa lang ang kanilang natanggap.

Una nang sinabi ni Menorca na inaasahan na niyang marami pang kaso ang lulutang laban sa kanya, batay na rin sa impormasyong natanggap niya mula sa ilang dating kapatid sa INC.

Nag-ugat ang kaso nang akusahan ni Menorca ang INC nang pag-uutos na dukutin siya mula sa Sorsogon at tatlong buwang ikinulong sa Cavite, matapos umanong mapagbintangan na siyang may pakana ng isang blog na nagsisiwalat ng umano’y mga katiwalian sa INC. (Mary Ann Santiago)