BUTUAN CITY – Tinukoy ng Police Regional Office (PRO)-10 ang 54 Election Watch list Areas (EWAs) sa Northern Mindanao.

Sa isang pulong noong nakaraang linggo, inihayag ng PRO 10 na mayroon lang 21 EWA sa huling eleksiyon noong 2013, at sa pagkakataong ito, 54 na bayan at siyudad ang susubaybayan ng pulisya kaugnay ng halalan sa Mayo 9.

Sa Bukidnon, tinukoy ng PRO-10 na EWA ang mga munisipalidad ng Lantapan, Talakag, Kadingilan, Malitbog, Kibawe, Kitaotao, Pangantucan, Manolo Fortich, San Fernando, Quezon, Cabanglasan, Dangcagan, Impasug-ong, Sumilao, at ilang lugar sa mga siyudad ng Valencia at Malaybalay.

Sa Misamis Occidental, ikinokonsidera namang EWA ng pulisya ang mga bayan ng Don Victorino, Lopez Jaena, Calamba, Sapang Dalaga, Sinacaban, Balingao, at mga lungsod ng Tangub, Oroqueita, at Ozamiz.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Mga EWA naman sa Lanao del Norte ang mga munisipalidad ng Salvador, Baroy, Kapatagan, Sapad, Bacolod, Munai, Nunungan, Pantar, Kolambugan, Magsaysay, Maigo, Tangkal, Balo-I, Kauswagan, Tagoloan, Sultan Naga Dimaporo, Tubod, Matungao, Poona Piagapo, Linamon, at Pantao Ragat. Kabilang din sa watch list areas ang Iligan City.

Samantala, ikinokonsiderang EWA sa Misamis Oriental ang mga bayan ng Salay, Sugbongcogon, Balingasag, Claveria, Lagonglong, Medina, Jasaan, at Gingoog City. Sinabi ng PRO-10 na karamihan ng lugar sa mga bayang ito ay apektado ng insurhensiya.

Nilinaw naman ni Supt. Ronnie Francis Cariaga, ng PRO-10, na hindi pa pinal na EWA ang mga nabanggit na lugar dahil isinagawa pa ang validation sa mga ito. (Mike U. Crismundo)