LEGAZPI CITY - May sarili nang Public-Private Partnership (PPP) code ang Albay para sa malalaking proyektong impraistruktura na magiging susi sa mas mabilis na pag-unlad ng lalawigan.

Ayon kay Gov. Albay Joey Salceda, ang PPP code ng probinsiya ay isang malaking hakbangin sa larangan ng lokal na pamamahala at magbubunsod ng implementasyon ng malalaking proyekto sa ilalim ng build, operate and transfer (BOT) scheme ng gobyerno.

Ang Albay ang unang pamahalaang lokal na nagkaroon ng sariling PPP code, isang mahalagang development sa pinupuntirya ng lalawigan na maging sentro ng kaunlaran sa Bicol Region at Southern Luzon.

Pinagtibay kamakailan ng Albay Sangguniang Panlalawigan, ang Albay PPP code ay may maliwanag na mga alituntunin para sa public-private partnerships ng lalawigan sa mga lokal na pamahalaan nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Layunin ng code na tukuyin ang mga tiyak na proyekto at ang maaaring pagkunan ng suporta.

Bilang chairman ng Bicol Regional Development Council sa nakalipas na siyam na taon, at ng Luzon Area Development Council sa nakaraang tatlong taon, masugid na isinulong ni Salceda ang ilang malalaking proyekto, kasama na ang Bicol International Airport (BIA) na bubuksan sa 2017, at ang P171-bilyon South Rail Line ng North-South Railways system, na malapit nang i-bid out.

Ayon sa gobernador, dalawang proyekto ang maaaring agad na isailalim sa PPP code: ang gusali ng Climate Change Academy (CCA) sa compound ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO), at ang Albay Dialysis Center sa Josefina Belmonte Duran Hospital sa Ligao City.