CAMDEN, Maine (AP) – Inaresto ang singer ng American Pie na si Don McLean sa kasong domestic violence nitong Lunes sa Maine, ayon sa jail supervisor.
Dinakip si Don, 70, at nagpiyansa ng $10,000 upang pansamantalang makalaya mula sa Knox County Jail, ayon kay Cpl. Brad Woll.
Ang singer-songwriter ay nakatira sa bayan ng Camden, at hindi nabanggit sa report kung ang asawa ni Don o alinman sa dalawa niyang anak ang biktima sa insidente.
Sinabi ni Woll na hindi niya batid kung may abogado si Don.
Hindi naman makuhanan ng pahayag ang singer at ang kanyang dalawang kinatawan.
Taong 2013 nang pagmultahin si Don ng $400 dahil sa pagpapaharurot sa kanyang Chrysler sa school zone ng Maine.
Ikinatwiran ng abogado ni Don na hindi umilaw ang school zone warning lights para limitahan sa 15 mph ang pagmamaneho sa lugar, ngunit iginiit ng mga pulis na naka-on ang mga ito.
Hindi rin agad na nakapagbigay ng komento ang abogado ni Don sa nasabing traffic case.
Ang orihinal na manuskrito at notes sa American Pie ni Don ay naisubasta ng $1.2 million noong Abril. Ang awiting sumikat noong 1971 ay tungkol sa pagkamatay nina Buddy Holly, Ritchie Valens, at J.P. Richardson (The Big Bopper) sa plane crash noong Pebrero 3, 1959 — The Day the Music Died.
Bukod sa American Pie, pinasikat din ni Don ang mga awiting Vincent at And I Love You So.