PARA kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, si ex-DoJ Secretary Leila de Lima ay “bugokski”. Ano ba, Mayor Digong, ang kahulugan nito? Aha, stupid pala sa slang language ito, o istupido sa Kastila-Tagalog. Bugok sa salitang-kanto.
Galit ang machong alkalde kay De Lima, kandidato sa pagkasenador ng LP, dahil sa Senate hearing noon ay ninais ng babaeng may “balls” na parusahan siya.
Sa harap ng mga senador at ni De Lima, noon ay chairperson ng Commission on Human Rights (CHR), tandisang sinabi ni Duterte na papatayin niya si Davidson Bangayan, isa umanong rice smuggler, kapag pumunta ito sa Davao City at nahuli sa pagpupuslit. Bukod dito, gusto raw ni De Lima, noon ay Justice Secretary, na idamay siya sa pagpatay sa isang Alfredo Mendoza.
Sinabi raw ni Sec. Leila ang ganito: “Mr. Mayor, narinig daw kayo na nagsasalita tungkol sa isang Alfredo Mendoza, at 2 araw pagkatapos, siya ay natagpuang patay. Ano ang masasabi n’yo rito?. Tugon daw niya: “Ambot (‘di ko alam).”
Dagdag pa ng alkalde, talagang “ang drama ng gaga”.
***
Sa kabila ng katakut-takot na bintang ng kurapsiyon laban kay VP Jojo Binay, siya pa rin ang Number One sa presidentiables na iboboto kung ang halalan ay gaganapin ngayon. Batay sa huling survey ng Social Weather Stations noong Enero 8-10, nagtamo si Binay ng 31% kontra sa 24% ni Sen. Grace Poe, 21% kay Mar Roxas, at 20% kay Duterte. Si Miriam ay may 3% lang. Bumagsak ang ratings ni Binay noong 2015 nang pagbintangan siya ng kurapsiyon, kasama ang kanyang anak na si Junjun, bunsod ng mga kickback at komisyon daw mula sa mga proyekto at pagawaing-bayan ng siyudad.
Kinukulit ako ng senior-jogger kung ano raw kaya ang “magic” ni Nognog, este ni VP Binay, kung bakit sa kabila ng sangkaterbang banat nina Sens. Antonio Trillanes IV, Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel, ay siya pa rin ang preferred candidate ng 1,200 respondents, kaysa kina Grace, Mar, Digong at Miriam.
Tugon ko: “Hindi ba noong 2010 elections, nangunguna sa surveys si Roxas sa vice presidential race, pero bigla ang hirit ni Rambotito, oops Binay pala, at iniwan sa kangkungan ang ginoo ni Korina?” (BERT DE GUZMAN)