Ni MARTIN A. SADONGDONG
Isang pangako ang binitawan ni Kobe Bryant kina USA Basketball chairman Jerry Colangelo at Olympic coach Mike Krzyzewski, tutulungan niya sa abot ng makakaya ang basketball team ng Estados Unidos (US) sa darating na Olympics ngunit hindi bilang isang manlalaro.Nagpasya na ang Los Angeles Lakers star na si Kobe Bryant na hindi na siya maglalaro para sa koponan ng US sa 2016 Rio de Janeiro Olympics sa Brazil sa Agosto.
Sa panayam sa kanya ng AP, bago ang laban ng Lakers sa Utah Jazz, sinabi ng five-time NBA champion na opisyal na siyang magreretiro sa pagtatapos ng kanyang ika-20 at huling season sa kanyang koponan. Magtatapos ang 70th regular season ng NBA sa Abril.
Ipinaalam na ito ni Bryant kina Colangelo at Krzyzewski sabay sabing panahon na upang ang ibang manlalaro naman ang makaranas ng Olympic journey na kanya nang minahal.
“I’ve had my moment,” ani Bryant na nakasungkit ng gintong medalya noong 2008 at 2012 sa Summer Olympics bilang miyembro ng US team.
“Since my retirement announcement, I’m able to watch these guys in a different light. I’ve come to terms with the fact that they are the future of this game. These are the guys who deserve the spots in Rio. These are the guys who people need to watch and root for. These are the guys to show fans where this game is going in the future,” dagdag pa niya.
Isinalaysay rin ni Bryant kung paanong nilapitan siya ng Brazilian guard na si Leandro Barbosa sa laban nila sa Golden State Warriors kamakailan. Bumulong umano si Barbosa sa kanya ng: “See you in Rio,” subalit hindi niya alam ang kanyang isasagot.
“I just turned around and went, ‘Nooooo,’” ani Bryant.
Idinagdag pa ng NBA third all-time scorer na nag-aalala siyang baka gambalain siya ng injury at hindi makatulong kung sakaling mapabilang sa 12-man roster ng koponan ng US. Sa kasaysayan ni Bryant bilang miyembro ng limang iba’t ibang US team, nakamit nila ang perpektong 36-0 record sa international competition.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, matatandaang gumawa ng malaking ingay sa mundo ng basketball ang anunsiyo ni Bryant na magiging isang malaking karangalan sa kanya kung muling magiging bahagi ng koponan ng US sa Olympics.
Ramdam ng lahat na masidhi ang pagnanais ng 37-taong gulang na basketbolista na makapaglaro pa ng isang beses para sa US. Subalit hindi na ito kaya ng kanyang katawan dahil sa iba’tibang injuries.
Bukod sa pinsala sa kanyang balikat, inaalala rin ni Bryant ang kanyang torn achilles tendon injury. Hindi siya nakalaro ng walong beses para sa Lakers ngayong season at tumapos sa kanilang laro noong Sabado na may 35 percent shooting – isang career-worst.
Kaya naman naisip ni Bryant na ipasa na sa mga mas batang manlalaro ang pagdadala ng bandila ng Amerika at ang pagsabak sa digmaan sa loob ng hardcourt.
“I think it’s pretty sweet to have the final game be in a Lakers uniform,” pagtatapos ni Bryant.