INALOK na ng ating mga pinuno ang Amerika na magtayo ng walong base militar sa ating bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kadedeklara pa laman ng Korte Suprema na constitutional ang EDCA dahil pagpapalawig umano ito ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nauna na ring idineklara na naaayon sa Saligang Batas.

Estudyante pa ako noon nang labanan namin ang pagpapanatili ng base militar ng Kano sa ating bansa kung saan ang dalawang pinakamalaking base militar ay matatagpuan sa Pampanga at Olonggapo. Sa mga nabanggit na lugar, nagkalat ang mga bahay aliwan. Iba’t ibang sakit ang nagsipaglabasan sanhi ng pakikipagtalik. May mga Pilipinong binaril at napatay ng mga sundalong Kano na nagtatanod sa mga base dahil napagkamalan nilang baboy damo.

Nang ipinaglalaban ng mga Kano ang kanilang kontrol at pananatili sa South Vietnam, ginamit nila ang kanilang mga base sa ating bansa laban sa Vietnamese na itinataboy na sila sa kanilang lupain. Kaming nasa media ay nagkaroon noon ng pagkakataon na magtungo sa Vietnam bilang delegado ng National Press Club (NPC) pagkatapos nilang mapalayas ang mga Kano sa South Vietnam. Dito kasi ginawa ang taunang pulong ng Asean journalists. Nang magsalita ako sa pulong, sinabi ko na habang madugo nilang ipinaglalaban ang kanilang kalayaan, ipinaglalaban naman naming mga Pilipino ito sa ating bansa.

Kaya sa digmaang pinasok ng mga Kano sa South Vietnam, nasama tayo rito kahit wala naman tayong kinalaman at hindi para sa ating interes dahil ang kanilang base militar ay nasa ating bansa. Kung malakas na noon ang Vietnam, baka binomba nila ang mga base ng Kano sa ating bayan dahil ginamit ang mga ito laban sa kanila. Kung magiging magulo na ang sigalot natin sa China sa pag-aangkin nito sa West Philippine Sea at nakialam ang Kano, akala ba ninyo hindi pasasabugin ng China ang anumang base militar na itinatanim nila dito sa ating bansa?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Higit sa lahat, maoobligang makialam ang Amerika sa ating pulitika at ekonomiya kapag nagkaroon sila ng base military sa ating bansa kahit na ito ay pansamantala lamang. Naranasan na natin ang mahirap na pasanin ng base militar ng Kano, kaya ipinagbabawal na natin ito sa Saligang Batas. Tama si Sen. Claro M. Recto na suicidal nga ang ating lahi. (RIC VALMONTE)